MANILA, Philippines – Isinusulong ni Executive Secretary Ralph Recto ang pagbibigay ng mas mataas na benepisyo sa mga miyembrong regular na nagbabayad ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ay matapos umani ng reaksyon ang kaso ng isang 47-anyos na ama mula Maynila na mahigit dalawang dekadang naghuhulog ng premium ngunit hindi nakinabang sa benepisyo ng PhilHealth bago ito pumanaw.
Ayon kay Recto, makikipagpulong siya sa mga opisyal ng PhilHealth ngayong linggo upang talakayin ang pagpapalawak ng benepisyo para sa mahigit 33 milyong direktang nagbabayad ng kontribusyon.
“Under the law, they have a different benefit package. Let’s increase it,” ani Recto sa panayam sa dzRH.
Sinabi rin niya na nauunawaan niya ang pagkadismaya ng mga miyembrong regular na nagbabayad ngunit pakiramdam ay hindi sapat ang kanilang natatanggap na benepisyo kumpara sa kanilang kontribusyon.
Ipinaliwanag ni Recto na ang mga indigent members ay walang binabayarang premium dahil sinasagot ito ng pamahalaan, samantalang ang mga direct contributors ay nagbabayad ng P6,000 hanggang P60,000 kada taon.
“Kung indigent ka, zero ang binabayaran mo para makakuha ng PhilHealth benefits. Kaya naniniwala ako na dapat mas mataas ang benepisyo ng mga nagbabayad,” aniya.
Sa ilalim ng Universal Health Care Act, may dalawang uri ng miyembro ng PhilHealth: direct contributors at indirect contributors.
Batay sa datos ng PhilHealth noong 2025, umabot sa P209 bilyon ang premium na ibinayad ng direct contributors ngunit P121 bilyon lamang ang kanilang nakuhang claims. Samantala, nasa P167.9 bilyon o 58 porsiyento ng kabuuang claims ang napunta sa indirect members.
Naging sentro rin ng usapin ang kaso ni Marvin Sulit na pumanaw dahil sa brain hematoma noong Hunyo 4. Ayon sa kanyang asawa na si Maria Lourdes Sulit, hindi nila nagamit ang benepisyo ng PhilHealth dahil wala pang 24 oras na naka-confine sa ospital ang kanyang mister bago ito namatay.
Sa kasalukuyang patakaran ng PhilHealth, kinakailangang umabot sa 24 oras ang confinement ng pasyente upang makakuha ng inpatient benefit packages.
“Para saan pa ang PhilHealth kung ang mga taong ilang dekada nang naghuhulog ay hindi makakuha ng benepisyo kapag pinaka-kailangan nila ito?” ani Maria Lourdes sa kanyang viral na Facebook post.
Samantala, ibinasura ng Office of the Ombudsman ang mga reklamong plunder, graft at malversation laban kay Recto kaugnay ng paglipat ng P60 bilyong hindi nagamit na pondo ng PhilHealth sa National Treasury noong 2024 dahil sa kakulangan umano ng ebidensya. RNT/JGC