MANILA, Philippines – Nakaligtas sa ambush ang radio broadcaster na si Jay Lavapiez sa Barangay Cagay, Roxas City, nitong Lunes ng umaga, Hunyo 22.
Ayon kay PBGen Randulf Tuano, Regional Police Office 6 Director, inatasan na niya ang mga unit ng PNP na agad aksyunan ang insidente at pahalagahan ang kaso.
Sa ulat, nakaligtas si Lavapiez sa ambush habang nagmamaneho ng sasakyan sa national highway sa Barangay Cagay patungo sa istasyon ng radyo.
Dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang napaulat na humarang sa sasakyan ni Lavapiez saka pinaputukan ito nang makailang ulit.
Narekober ng mga awtoridad ang apat na bala sa lugar ng insidente.
Kinondena naman ng mga kasamahan sa media at awtoridad ang nangyaring pamamaril. RNT/JGC