MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong itinuturing na high-priority target ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Pasig City kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa isang malawakang healthcare fraud na umabot sa mahigit $2 bilyon sa Estados Unidos.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, nadakip noong Hunyo 11 si Herbert Leon Kimble, 60-anyos, sa isang commercial area sa Pasig City sa isinagawang operasyon ng BI Fugitive Search Unit (FSU) katuwang ang mga intelligence operatives ng pamahalaan.
Si Kimble ay nahaharap sa federal arrest warrant na inilabas ng United States District Court sa South Carolina dahil sa umano’y pamumuno sa isang sindikato na nagsagawa ng malawakang panloloko laban sa mga healthcare program na pinopondohan ng pamahalaan ng Estados Unidos.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, sangkot umano si Kimble sa iligal na pagbebenta at distribusyon ng mga hindi kinakailangang orthopedic braces na ipinasingil sa Medicare, isang programang pangkalusugan ng gobyerno ng U.S., na nagresulta sa pagkalugi ng mahigit $2 bilyon.
Sinabi ni Viado na hindi papayagan ng Pilipinas na maging kanlungan ng mga dayuhang pugante na umiiwas sa pananagutan sa kanilang mga bansa.
“Patunay ang pagkakaarestong ito sa matibay na ugnayan ng Pilipinas sa mga international law enforcement agencies upang matunton, madakip at mapanagot ang mga dayuhang lumalabag sa batas,” ani Viado.
Ayon pa sa BI, ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang seguridad sa hangganan ng bansa at tiyaking hindi magiging taguan ng mga pugante ang Pilipinas.
Matapos maaresto, agad na ipinatapon si Kimble pabalik sa Estados Unidos noong Hunyo 18 upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Isinama na rin siya sa blacklist ng Bureau of Immigration upang hindi na muling makapasok sa bansa. JAY Reyes