MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang panawagan para sa imbestigasyon ng Kamara sa malawakang dredging operations sa Zambales dahil sa mga ulat ng pagguho ng baybayin, pagkasira ng pangisdaan at pagkakasangkot ng mga barkong Chinese.
Naghain si De Lima ng House Resolution No. 1601 upang imbestigahan ang mga operasyon sa mga ilog, estuwaryo at baybaying-dagat ng lalawigan.
Ayon sa mambabatas, patuloy ang dredging sa kabila ng mga reklamong hindi pa natutugunan, kabilang ang epekto nito sa kabuhayan ng mga residente, dami ng kinukuhang materyales at kung saan dinadala ang mga ito.
Sinabi niyang kailangan ang imbestigasyon upang matugunan ang mga hinaing ng mga apektadong komunidad, palakasin ang mga patakaran sa dredging at mapangalagaan ang yamang-dagat at baybayin ng Zambales.
Iginiit din niyang dapat maging batayan ang resulta ng pagsisiyasat sa pagbuo ng mas mahigpit na environmental safeguards, transparency at accountability measures.
Nagmula umano sa mga environmental group gaya ng Zambales Ecological Network, Save Our Shores Zambales at Institute for Area Management ang mga reklamong nagsasabing posibleng ginagamit na pantakip ang mga proyektong flood control at river restoration sa malawakang pagmimina at pagkuha ng buhangin.
Noong Oktubre 2019, naglabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Administrative Order No. 2019-13 na nagtatakda ng mga eksklusibong dredging zone sa mga ilog na maraming banlik, kabilang ang Bucao, Maloma at Sto. Tomas rivers sa Zambales.
Nauna nang naghain si De Lima ng House Resolution No. 424 noong Nobyembre 4, 2025 para imbestigahan ang dredging at sand extraction sa lalawigan, kabilang ang naiulat na pagkakasangkot ng mga dayuhang contractor gaya ng China Harbour Engineering Company Ltd. (CHEC). Nananatili itong nakabinbin sa Kamara.
Sa deliberasyon sa panukalang 2027 budget ng DENR, binanggit din ni De Lima ang ulat na hindi bababa sa 67 barko ang nasangkot sa dredging operations sa Botolan at San Felipe mula 2020 hanggang 2025. Karamihan umano sa mga barko ay may Chinese names, batay sa listahan ng Philippine Ports Authority na may petsang Setyembre 29, 2025.
Kinuwestiyon din niya ang magkakaibang pahayag ng mga opisyal ng DENR tungkol sa presensya ng mga Chinese entity sa operasyon. Ayon sa kanya, sinabi ng regional director ng ahensya noong budget briefing nitong Agosto 2026 na walang Chinese firm na sangkot, ngunit kalaunan ay inamin ng DENR sa plenary deliberations na gumagamit ng mga barkong Chinese na inuupahan lamang umano.
“Marami tayong mga tanong ukol sa nakababahalang dredging na ito sa Zambales na kailangan ng agarang tugon. We won’t allow this alarming issue to be ignored or left unaddressed,” ani De Lima.
“Kailangan nating malaman ang totoo hindi lang para matukoy kung may nangyayaring pag-abuso, pagkukulang o kapabayaan, nang hindi na magpatuloy o maulit pa ang ganitong operasyon na banta sa kalikasan, seguridad, buhay at kabuhayan ng marami nating mga kababayan,” dagdag niya. RNT/MDS