Home NATIONWIDE Pagkukumpuni ng tulay sa Samar maagang natapos ng DPWH

Pagkukumpuni ng tulay sa Samar maagang natapos ng DPWH

2
0

MANILA, Philippines – Nakumpleto ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa Eastern Visayas ang unang phase ng mga strengthening works sa Calbiga Bridge sa bayan ng Calbiga, Samar dalawang buwan nang mas maaga sa iskedyul, kaya pinayagan na muling dumaan ang mas mabibigat na sasakyan sa mahalagang transport link sa ilalim ng binagong traffic scheme.

Inanunsyo ng DPWH regional office na ang Phase 1 retrofitting at strengthening project, na kilala bilang portal shoring works, ay natapos noong Hunyo 19, mas maaga nang husto kaysa sa orihinal na target completion date na Agosto 25 ngayong taon.

Sa pagkumpleto ng P34 milyong proyekto, bukas na ngayon ang Calbiga Bridge sa two-way traffic para sa mga heavy vehicle na tumitimbang hanggang 15 tonelada.

Maaari ring dumaan ang mga truck na tumitimbang hanggang 30 tonelada sa ilalim ng one-way traffic scheme mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. matapos ang structural inspection na isinagawa ng mga inhinyero ng DPWH.

Isinagawa ang strengthening works para mapabuti ang load-bearing capacity ng tulay at mapahusay ang kaligtasan ng mga motorista na gumagamit ng isa sa pinakamahalagang transport corridor ng Eastern Visayas.

Isinagawa ang proyekto para tugunan ang mga hamon sa transportasyon na kinahaharap ng mga trucker at motorista na bumabyahe sa pagitan ng Samar at Leyte.

Sinabi ni DPWH Regional Director Edgar Tabacon na ang pagkumpleto ng portal shoring works ay nagbigay ng karagdagang structural support sa tulay habang inihahanda na ang mga pangmatagalang plano sa rehabilitasyon.

Nagsisilbing pangunahing gateway na nag-uugnay sa Samar sa iba pang bahagi ng Eastern Visayas ang Calbiga Bridge, isang 360 meter street truss bridge sa Maharlika Highway.

Inilagay ito sa 15-ton load limit noong Oktubre 27, 2025 matapos makita sa inspeksyon ang mga structural defect na pinalala ng paulit-ulit na overloading.

Dahil sa restriksyon, napilitan ang maraming cargo truck na dumaan sa mahabang detour sa Wright–Taft–Basey route para makarating sa Tacloban City, na nagresulta sa mas mahabang oras ng biyahe at mas mataas na transport cost.

Kasunod ng pagbisita ni DPWH Secretary Vince Dizon noong Pebrero, inutos ng ahensya ang agarang pagpapalakas ng tulay at naglabas ng pondo para sa emergency works para maibalik ang mobility ng mga heavy vehicle at maibsan ang logistical bottlenecks sa rehiyon.

Sinabi ng mga opisyal na inaasahang makakabawas nang husto sa oras ng biyahe ng mga trucker at magpapababa sa logistics cost ang muling pagbubukas ng tulay sa mas mabibigat na karga, para mapabilis ang paggalaw ng mga kalakal at serbisyo sa buong Eastern Visayas.

Nagsimula ang P34 milyong strengthening project noong Mayo 28 at orihinal na nakatakdang matapos sa Agosto 25.

Ayon sa DPWH, posibleng aabot sa humigit-kumulang P140 milyon ang kabuuang rehabilitasyon ng Calbiga Bridge at isasagawa ito sa mga susunod na phase para matiyak ang pangmatagalang structural integrity ng tulay. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here