MANILA, Philippines – Personal na ininspeksyon muli ni DPWH Secretary Vince Dizon ang mga proyekto sa Naga City, Camarines Sur nitong Sabado, dala ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tapusin ang lahat ng nabinbing gawa.
Kasama ni Dizon sa occular inspection sina Naga City Mayor Leni Robredo, DPWH regional director, at mga district engineer ng Camarines Sur.
Napag-usapan ang pagpapalawak at pagpapaganda ng mga pangunahing lansangan sa sentro ng Naga.
Suportado naman ng Malacanang ang maayos at maluwag na daan para sa mga residente at estudyante.
Samantala, binisita rin ni Dizon ang Naga Bypass Road kung saan kapag nakumpleto ay iibahin na ang ruta ng mga malalaking truck at bus papuntang Albay, Masbate, at Catanduanes — kaya mababawasan nang husto ang traffic sa sentro ng Naga.
Binigyang-diin din ni Dizon na ang Naga Airport ay tuloy-tuloy din ang pagsasaayos at pagpapaganda nito para mas maging komportable at moderno para sa mga pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden