MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber ng isang government vehicle na hindi huminto sa pulang traffic light.
Sa pahayag, tinukoy ng LTO ang viral video na nagpapakita ng isang government vehicle na sports utility vehicle (SUV) na hindi huminto kahit na nakapula ang traffic signal.
Paso rin ang rehistro ng naturang sasakyan.
Dahil dito ay nag-isyu ang LTO ng show cause order (SCO) laban sa designated driver at representative ng ahensya ng pamahalaan kung saan nakarehistro ang sasakyan.
Inatasan ang mga ito na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa Hunyo 26 ng alas-11 ng umaga at magpasa ng sworn explanation.
Dapat ipaliwanag ng mga respondent kung bakit hindi sila dapat panagutin ng administratibo sa reckless driving, failure to give proper signal, compulsory registration of motor vehicle, disregarding traffic signs, at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
“No one is above the law. Mas mataas ang inaasahang antas ng disiplina at pananagutan sa mga gumagamit ng government vehicles dahil sila mismo ang dapat maging halimbawa sa pagsunod sa batas-trapiko. Hindi natin kukunsintihin ang anumang paglabag, anuman ang katayuan ng sasakyan o ng taong sangkot,” sinabi ni LTO chief and Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Inilagay na sa alarma ng LTO ang SUV habang sinuspinde naman ng 90 araw ang lisensya ng driver. RNT/JGC