MANILA, Philippines – Itinaas na ang Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng bansa habang mabilis na lumalakas ang Bagyong Francisco, ayon sa PAGASA.
Bandang alas-11 ng umaga nitong Lunes, namataan ang sentro ng bagyo 620 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan. Taglay nito ang 155 kph na lakas ng hangin at pagbugsong umaabot sa 190 kph.
Nasa ilalim ng Signal No. 1 ang:
-Batanes
-Hilagang-silangang bahagi ng Cagayan, kabilang ang Gonzaga at Santa Ana
-Silangang bahagi ng Babuyan Islands, kabilang ang Babuyan Island, Didicas Island, at Camiguin Island
Ayon sa PAGASA, posible ang minimal hanggang minor na epekto ng malalakas na hangin sa mga lugar na ito.
Pinalalakas din ng bagyo at ng Habagat ang hangin sa maraming bahagi ng bansa. Sa Lunes, inaasahan ang malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa La Union, Pangasinan, CALABARZON, Marinduque, Romblon, Masbate, karamihan ng Visayas, Zamboanga Peninsula, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Camiguin, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Sa Martes at Miyerkules, inaasahang magpapatuloy ang malalakas na hangin sa karamihan ng Luzon at Visayas, pati sa ilang bahagi ng Mindanao.
Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring makaranas ng malakas na ulan at hangin kahit ang mga lugar na nasa labas ng forecast confidence cone ng bagyo.
Inaasahang lalo pang lalakas si Francisco at maaaring maabot ang pinakamalakas nitong lakas sa Martes. Posible rin itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Hunyo 26, Biyernes. RNT/MND