MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya ang isang lalaking aksidenteng nabaril ang sarili nang matuklasang walang lisensiya ang baril na napaputok niya sa Malabon City.
Sa imbestigasyon, isinugod ng kanyang mga kaanak ang lalaki sa ospital nang aksidenteng mabaril ang sarili sa loob ng kanilang tirahan sa Barangay San Agustin noong Sabado ng madaling araw, gamit ang hawak na kalibre .38 revolver.
Nang makarating sa tanggapan ni Malabon police acting chief P/Col. Kenneth Mission ang pangyayari, agad niyang inatasan ang mga operatiba ng Police Sub-Station-6 na mag-imbestiga sa insidente kung saan nakumpiska nasabing baril na kargado ng bala at walang kaukulang lisensiya o anumang dokumento ang baril na gamit ng biktima.
Nang payagan ng mga doktor na makalabas na ng ospital ang biktima Linggo ng gabi, kaagad siyang inaresto ng pulisya para sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms ang Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.
Sinabi ni Col. Mission na patuloy ang mahigpit nilang pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian. (Merly Duero)