Home NATIONWIDE Bagong uri ng orchid natuklasan sa Mt. Apo

Bagong uri ng orchid natuklasan sa Mt. Apo

3
0

DAVAO, Philippines – Isang bagong uri ng endemic na helmet orchid na tinawag na Corybas apoensis ang natuklasan sa kabundukan ng Mount Apo sa Mindanao.

Natuklasan ito ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Mindanao, National Museum of the Philippines, at iba pang institusyon matapos ang serye ng botanical surveys mula 2023 hanggang 2025.

Ang Corybas apoensis ay may natatanging bulaklak na may puti at carmine na guhit at tumutubo sa mga lumot at humus sa mossy forest ng Mt. Apo. Sa kasalukuyan, 10 lamang na ganap na mature na halaman ang natagpuan sa iisang lugar.

Dahil sa napakaliit nitong populasyon at limitadong tirahan, inuri ng mga mananaliksik ang bagong species bilang “critically endangered” o nanganganib nang tuluyang mawala.

Ayon sa pag-aaral, kabilang sa mga banta sa halaman ang pagkasira ng tirahan nito, pagdaan ng mga tao sa mga daanan sa kagubatan, at ang napakaliit na bilang ng populasyon nito. Wala ring nakitang bunga o kapsula ng halaman kaya hindi pa matiyak kung matagumpay itong natural na nagpaparami.

Bagama’t kahawig nito ang Corybas viridisepalus mula sa Papua New Guinea, naiiba ang Corybas apoensis dahil sa maputing bahagi ng bulaklak na may matingkad na kulay ube hanggang carmine na mga guhit at iba pang natatanging katangiang pisikal.

Sa pagkakadiskubre ng bagong species, umabot na sa 10 kinikilalang Corybas species sa Pilipinas, at dalawa rito ay matatagpuan sa Mindanao. Naniniwala ang mga siyentipiko na marami pang hindi natutuklasang uri ng orchid sa rehiyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here