CAGAYAN, Philippines – Pinaghahandaan na nang Office of Civil Defense (OCD) Region 02 ang Eastern Luzon Trench na matatagpuan sa silangang bahagi ng baybayin ng Cagayan na may kakayahang magdulot ng napakalakas na lindol na maaaring umabot sa 8.5 magnitude.
Binigyang-diin ni OCD Region 2 Director Albert Mogol sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Lunes, Hunyo 22, 2026.
Ayon kay RD Mogol, bukod sa tatlong fault na matatagpuan sa Sicalao sa bayan ng Lasam, Dummun river sa Gattaran, at Tabuan river sa Baggao sa Cagayan, ay mayroon din ang Eastern Luzon Trench na posibleng magdulot ng napakalakas na pagyanig na posibleng susundan ng tsunami na maaaring makaapekto sa mga baybayin sa Cagayan at maging sa mga kalapit na lalawigan.
Inatasan ni RD Mogol ang Technical Working Group (TWG) na magsagawa ng technical briefing upang higit na mapalakas ang kaalaman at kahandaan ng mga kinauukulang ahensya sa posibleng epekto ng malakas na lindol at tsunami.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng infrastructure audit upang masuri ang katatagan at kaligtasan ng mga imprastruktura, partikular ang mga paaralan at iba pang mahahalagang pasilidad.
Aniya, hindi dapat malimitahan sa mga hydrometeorological hazards tulad ng bagyo at pagbaha, sa halip ay dapat masaklaw din ang posibleng senaryo ng lindol at tsunami ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan.
“Preparedness should not be limited to hydrometeorological hazards but must also cover earthquake and tsunami scenarios,” saad ni RD Mogol.
Layunin ng ahensya na mabawasan ang panganib at maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mamamayan sakaling tumama ang isang malakas na pagyanig.
Pinaalahanan ang publiko na maging mapagmatiyag at alerto sa ano mang panganib na dulot na banta ng pagyanig. (REY VELASCO)