MANILA, Philippines – Mariing pinabulaanan ng House prosecution panel ang mga kumakalat na pahayag sa social media na naisantabi sila ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa isinagawang pre-trial conference ng impeachment case.
“That is not true. I charge it to fake news,” ani House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro sa isang press conference matapos lumabas ang mga komentaryong mas napaboran ang defense team.
Hinikayat ni Luistro ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa social media habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings.
“The people should become very cautious now in watching from social media. We should be careful in deciphering what is correct and what is false,” ani Luistro.
Binigyang-diin din ng mambabatas na dala niya ang mandato ng sambayanang Pilipino bilang bahagi ng prosecution panel.
“Hindi po ako papayag na lamunin ng buhay ang laban ng sambayanang Pilipino,” giit nito.
Samantala, kinontra rin ni House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang naturang usapin.
Ayon kay Tolosa, walang batayan ang mga pahayag na may nanalo o natalo sa pre-trial conference dahil hindi naman ito ang yugto kung saan naglalabas ng mga desisyon ang impeachment court.
“You know, it’s normal, of course, for parties to claim that they got the upper hand in any particular hearing. But to properly address that, let’s stick to the facts,”paliwanag nito..
Ipinaliwanag niya na hindi maaaring sabihing “kinain ng kalaban” ang isang panig dahil wala namang naging pinal na ruling sa pre-trial proceedings.
Sa halip, sinabi niyang nakamit ng prosecution panel ang layunin nitong maisulong ang pre-trial proceedings nang walang pagkaantala.
“What I can say also factually is that we were able to secure or successfully achieve our goal. What is that? To ensure that the pre-trial would proceed in an expeditious manner,” pahayag nito.
Ayon pa kay Tolosa, sinubukan umano ng depensa na itaas sa simula pa lamang ng pre-trial ang usapin ng two-thirds voting threshold at iginiit na dapat muna itong maresolba bago magpatuloy ang proseso.
Gayunman, sinabi niyang agad itong tinutulan ni Luistro kaya naipagpatuloy ang pagmamarka ng mga ebidensya. Gail Mendoza