Home NATIONWIDE Pagpapatuloy sa rehabilitasyon ng mga imprastraktura, tiniyak ni PBBM

Pagpapatuloy sa rehabilitasyon ng mga imprastraktura, tiniyak ni PBBM

1
0

CEBU, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes na magpapatuloy ang rehabilitasyon ng pamahalaan sa mga imprastraktura upang mabawasan ang pinsalang dulot ng mga kalamidad.

“So, patuloy lang ang ginagawa natin para hindi na maulit ‘yung napakalaking perwisyo ng pagdaan ng bagyo, ng ilog, at saka nung pagdaan nung baha dito at ang daming nasira,” ang pahayag ng Pangulo matapos inspeksyunin ang rehabilitasyon ng Mananga River sa Barangay San Isidro, Lungsod ng Talisay, lalawigan ng Cebu.

Ayon sa Pangulo, magpapatuloy ang pagkukumpuni at pagtatayo ng mga kinakailangang imprastraktura, kabilang ang pagpapatupad ng mga pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.

“So, patuloy lang and we will continue to come, we will continue to build, we will continue to repair, and may plano tayo para sa next year para eh doon na natin haharangin sa taas ‘yung tubig para hindi na natin poproblemahin, masyadong problemahin dito sa baba,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na nakapaloob na sa 2027 National Expenditure Program (NEP) ang pondo para sa mga proyektong nangangailangan ng rehabilitasyon.

“At ito ay nasa — ilalagay na namin — nasa NEP na para sa budget for next year, for 2027. Naka-budget na at titiyakin natin na hindi magagalaw ‘yung budget na ‘yun pagdaan sa budget process,” ani Pangulong Marcos.

Ipinaalala ng Pangulo ang matinding pagbaha na naranasan sa Cebu dulot ng mga nagdaang bagyo, kaya isinagawa ng pamahalaan ang rehabilitasyon ng mga flood control structure upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong sitwasyon.

Kasama ng Pangulo sa inspeksyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.

Ayon kay Pangulong Marcos, binago rin ang disenyo ng mga flood control structure sa pamamagitan ng paggamit ng mas angkop na materyales sa halip na karaniwang kongkreto.

Bukod dito, nagtayo rin ang pamahalaan ng bagong drainage system at ipinatupad ang No Build Zone upang maprotektahan ang mga residente.

“Pagka naipon ang tubig dito sa likod nung ating mga flood control structure eh mayroong lalabasan ng tubig para hindi maiwan diyan na linggo-linggo pagka may ulan…Dati ito talaga eh no build zone. Kaya ginawan natin ng paraan together with the help of the local governments na pag-relocate ng ating mga kababayan natin na nakatira dito, ay siyempre patuloy ‘yan kasi nasa peligro sila pagka sila nandito eh,” paliwanag ng Pangulo.

“I think it’s an opportune time also na mabanggit na ‘yung mga dam projects, kung maalala ninyo – kung maalala ninyo, tatlo ang malaking ilog dito sa Cebu. At kaya’t ‘yung pag bumababa ang tubig, doon galing ang baha,” pahayag pa ng Pangulo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here