Home NATIONWIDE P1.6B fish port expansion program, inaprubahan ng PFDA

P1.6B fish port expansion program, inaprubahan ng PFDA

3
0

MANILA, Philippines – Upang paunlarin ang pasilidad ng pangisdaan, inaprubahan ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang mga proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P1.6 bilyon na layong i-modernisa ang mahahalagang pasilidad para sa pangisdaan, palakasin ang sistema ng distribusyon ng pagkain, at suportahan ang mas malawak na layunin ng pamahalaan na mapabuti ang seguridad sa pagkain at mapanatiling matatag ang mga presyo.

Ang mga proyekto ay inaprubahan noong Huwebes ng PFDA Board na pinamumunuan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. Kabilang dito ang malalaking upgrades sa Navotas Fish Port Complex (NFPC) at ang pagtatayo ng isang makabagong fish port sa San Vicente, Palawan.

Kaugnay nito kabilang sa mga inaprubahang proyekto ang rehabilitasyon at upgrading ng mga gusali at pasilidad sa Market Halls 1 at 2 sa ilalim ng Phase III ng PFDA-NFPC Modernization Program, gayundin ang Phase II ng PFDA-NFPC Shipyard Development Project.

Ayon kay PFDA Acting General Manager Glen A. Pangapalan, palalawakin ng mga upgrades sa PFDA-NFPC ang lawak ng kompleks ng halos 25 ektarya. Aniya, hindi bababa sa 30,000 katao ang direktang nakikinabang sa operasyon ng PFDA-NFPC, na umaabot sa humigit-kumulang 50,000 sa panahon ng peak season.

“Bukod dito, milyun-milyong mamamayan sa Metro Manila ang nakikinabang sa tuloy-tuloy na suplay ng sariwang isda mula sa 50 taong gulang na fish port na ito,” ani Pangapalan.

Inaprubahan din ng Board ang pagtatayo ng San Vicente Modern Fish Port sa Palawan, isang proyektong inaasahang magpapahusay sa paghawak, kalakalan, at mga post-harvest operation ng isda sa lalawigan.

Nakatakdang matapos ang Phase II ng PFDA-NFPC project sa Disyembre ngayong taon, habang ang Phase III ay inaasahang makukumpleto sa Hunyo ng susunod na taon. Samantala, target matapos ang proyekto ng San Vicente fish port sa taong 2028.

Bukod sa mga pamumuhunang pang-imprastraktura, inilatag ni Secretary Tiu Laurel ang mas malawak na pananaw para sa Navotas complex bilang isang sentro ng kalakalan hindi lamang para sa isda kundi maging sa iba pang produktong agrikultural. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here