MANILA, Philippines – Makahihinga nang kaunti ang mga motorista matapos ipatupad ng mga kumpanya ng langis ang malaking bawas-presyo sa produktong petrolyo simula ngayong Martes, Hunyo 23.
Batay sa gabay ng Department of Energy (DOE), bababa ng P3.90 hanggang P5.90 kada litro ang presyo ng gasolina, P9.04 hanggang P11.04 kada litro ang diesel, at P9.82 hanggang P11.82 kada litro ang kerosene.
Ayon sa ulat, ang rollback ay bunsod ng pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos lumagda ang dalawang bansa sa isang memorandum of understanding para sa ceasefire agreement noong nakaraang linggo, na nagpapakita ng mas matatag na relasyon.
Noong nakaraang linggo, bumaba rin ng hanggang P0.32 kada litro ang presyo ng gasolina, habang nabawasan ng P3.71 hanggang P5.71 kada litro ang diesel. Nagtala rin ng bawas-presyo na P0.50 hanggang P2.50 kada litro ang kerosene.
Sa kabila nito, nagpapakita pa rin ang year-to-date adjustments hanggang Hunyo 16 ng netong pagtaas na P47.02 kada litro para sa gasolina, P39.71 para sa diesel, at P37.30 para sa kerosene.
Ayon sa DOE, sapat ang fuel inventory ng bansa para sa 43.86 araw batay sa datos noong Hunyo 19. Dave Baluyot