MANILA, Philippines – Pinalalawak ng Department of Education (DepEd) ang peer support system sa mga paaralan sa pamamagitan ng “My Buddy System” upang mapalakas ang kaligtasan, mental health, at kapakanan ng mga mag-aaral.
Inilunsad ang programa kasabay ng paggunita sa National School Safety Week bilang bahagi ng mas malawak na School Safety Campaign ng DepEd. Layunin nitong hikayatin ang mga mag-aaral na humingi ng tulong at magbahagi ng kanilang pinagdaraanan sa mga kapwa mag-aaral na kanilang pinagkakatiwalaan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, may mga pagkakataong mas madaling magbukas ng saloobin ang isang bata sa kapwa niya mag-aaral kaysa sa mga nakatatanda.
Sa ilalim ng programa, bubuo ng mga pares o maliliit na grupo ng mga mag-aaral na magsisilbing katuwang sa pagbibigay ng suporta at pakikipagkaibigan, sa modelong “big brother” o “big sister.”
Gayunman, nilinaw ng DepEd na hindi kapalit ng mga guidance counselor, guro, at mental health professional ang peer support system.
Nananatili sa mga nakatatandang propesyonal ang responsibilidad sa pagsusuri ng panganib, pormal na pagsangguni sa mga eksperto, at pagbibigay ng kinakailangang pangangalaga.
Pinabibilis din ng kagawaran ang pagkuha at pagtatalaga ng mga school counselor associate upang tumulong sa mga guidance counselor.
Sila ang mangangasiwa sa mga peer group at magsasagawa ng debriefing, habang ang Child Protection Committees (CPCs) at School Care Centers ang tutugon sa mga usapin ng proteksiyon at pagsangguni sa mga kinauukulang tanggapan.
Magpapatupad din ang DepEd ng regular na pagsusuri sa kalagayan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng Homeroom Guidance sessions upang maagap na matukoy ang mga palatandaan ng pagkabalisa at iba pang suliraning may kaugnayan sa kanilang kaligtasan.
Binigyang-diin din ni Angara ang mahalagang papel ng mga magulang at tagapag-alaga sa pagprotekta sa mga bata laban sa mapaminsalang impluwensiya sa internet.
Ayon sa kalihim, hindi lamang responsibilidad ng DepEd ang pagpapanatili ng kaligtasan sa mga paaralan, kundi pananagutan din ito ng buong komunidad.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga mag-aaral, guro, guidance counselor, mental health professional, magulang, at iba pang miyembro ng komunidad, layunin ng DepEd na maagapan ang mga problemang maaaring humantong sa karahasan at matiyak ang mas ligtas na kapaligiran para sa bawat mag-aaral. RNT/JGC