Home HOME BANNER STORY Klase sa lahat ng paaralan sa Tacloban, sinuspinde kasunod ng school shooting

Klase sa lahat ng paaralan sa Tacloban, sinuspinde kasunod ng school shooting

4
0

TACLOBAN CITY – Sinuspinde ng Department of Education (DepEd) Schools Division ng Tacloban City ang klase sa lahat ng paaralan sa lungsod ngayong Hunyo 23 kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 11 iba pa.

Sa Division Memorandum No. 406, una munang ipinag-utos ni Schools Division Superintendent Sherlita Palma ang suspensiyon ng klase sa San Jose National High School, San Jose Central School, at Manlurip Elementary School. Ngunit kalaunan ay pinalawak ito upang saklawin ang lahat ng paaralan sa lungsod.

“In view of the prevailing situation causing anxiety and concern among learners and personnel, classes in all schools are hereby suspended on June 23, 2026,” ayon sa memorandum.

Nakasandig ang kautusan sa “unfortunate incident that occurred involving students of San Jose National High School.”

Ayon sa DepEd, magsasagawa ng Psychological First Aid (PFA) para sa mga mag-aaral at kawani mula Hunyo 24 hanggang 26.

“Subject to the result of the ongoing assessment and advice by the experts, classes shall resume after a series of PFAs have been conducted, either through face-to-face or alternative mode of learning,” nakasaad sa memorandum.

Hinimok din ng ahensiya ang publiko na mag-alay ng panalangin at suporta para sa mga biktima, kanilang mga pamilya, at sa buong komunidad ng paaralan.

Nauna nang tiniyak ng DepEd Region VIII ang suporta nito sa mga mag-aaral at kawani na naapektuhan ng insidente at iginiit na nananatiling prayoridad nito ang kaligtasan, seguridad at kapakanan ng mga ito.

Iniutos na rin ni Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa insidente at ang pagpapatibay ng seguridad sa lahat ng establisimyento, lalo na sa mga paaralan. Ayon naman sa Malacañang, nalungkot ang Pangulo sa nangyaring trahedya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here