MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pahayag ng Chinese Embassy laban sa 2016 South China Sea Arbitral Award at iginiit na nananatiling pinal at may bisa ang desisyon bilang bahagi ng internasyonal na batas.
“The award is final and binding and has become an unassailable part of the corpus of international law, providing legal clarity regarding maritime rights and entitlements in the South China Sea. It is not and will never be illegal, null, and void,” ayon sa DFA.
Binigyang-diin ng ahensya na nauna nang ibinasura ng arbitral tribunal na binuo sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang mga pagtutol ng China sa hurisdiksyon nito. Anila, nakatuon lamang ang kaso sa interpretasyon at pagpapatupad ng UNCLOS, kabilang ang mga karapatan at saklaw ng mga claim sa karagatan.
Tinanggihan din ng DFA ang alegasyon ng China na nilabag ng Pilipinas ang obligasyon nitong makipagdayalogo bago magsampa ng kaso, matapos kumpirmahin ng tribunal na tumalima ang bansa sa mga itinakdang proseso bago humingi ng third-party settlement.
“While the Philippines remains committed to dialogue and diplomacy, it is not precluded from availing itself of dispute-settlement mechanisms under UNCLOS when disputes concerning the interpretation or application of the Convention cannot be resolved through consultations,” ayon pa sa DFA.
Ayon sa kagawaran, ginamit ng Pilipinas ang mga karapatang nakapaloob sa UNCLOS matapos mabigong maresolba ang usapin sa mga nakaraang bilateral talks sa China.
Habang nalalapit ang ika-10 anibersaryo ng arbitral ruling sa Hulyo, sinabi ng DFA na nananatili itong mahalagang gabay sa pagpapanatili ng rules-based maritime order, paglilinaw ng mga karapatan sa karagatan, pagtanggi sa labis na maritime claims, at pagpapatibay ng proteksiyon sa kapaligiran at yamang-dagat. Dave Baluyot