MANILA, Philippines – Nakatakdang simulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong Martes, Hunyo 23, ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer (ECT) sa mahigit 139,000 pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 8.
Saklaw ng ayuda ang mga pamilya sa Davao Occidental, Sarangani, General Santos City, at iba pang lugar sa Davao Region at Soccsksargen, kung saan higit P799.59 milyon ang inilaan para sa programa.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matiyak na nakatatanggap ng sapat at napapanahong tulong ang mga pamilyang naapektuhan habang nagsisikap na makabangon mula sa pinsalang dulot ng lindol.
“Sa Tuesday, pupunta po si Secretary Rex Gatchalian ulit sa mga lugar na labis na naapektuhan ng lindol. Ang ilan sa mga lugar na ito ay ang mga munisipalidad ng Glan at Malapatan sa Sarangani; General Santos City; at Balut Island at Jose Abad Santos sa Davao Occidental,” ayon kay Director Maria Isabel Lanada ng Disaster Response Management Bureau ng DSWD.
Ang ECT ay programa ng DSWD na nagbibigay ng walang kondisyong cash assistance upang matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad sa kanilang pagbangon at maagang rehabilitasyon. Santi Celario