ILOILO – Nawalan ng malay ang isang 14-anyos na Grade 9 student matapos umanong suntukin ng kanyang 17-anyos na kaklase na gumagamit ng brass knuckle malapit sa isang high school sa Sta. Barbara, Iloilo noong Biyernes.
Makikita sa CCTV footage na tumatawid ang mga estudyante nang biglang matumba ang biktima matapos tamaan ng suntok. Agad namang umalis sa lugar ang suspek matapos ang insidente.
Nagtamo ang biktima ng sugat malapit sa bibig at pinsala sa ulo matapos bumagsak sa kalsada.
“Nalaman ko lang na nasuntok pala ako nung sinabi ng kaklase ko na kaya ako nahimatay ay dahil sinuntok ako,” ayon kay “Nonoy,” hindi niya tunay na pangalan.
“Dumilim ang paningin ko. Nang magising ako, nasa Health Center na kami,” dagdag niya.
Sa isinagawang pag-uusap sa harap ng Lupon, lumabas umano na inutusan ang suspek ng isa pang estudyante na nagsabing binu-bully siya ng biktima.
Itinanggi naman ni Nonoy na siya ang nagsimula ng gulo, bagamat inamin niyang nagkaroon sila noon ng alitan ng isa pang estudyante.
“Binuksan niya yung bag ko at saka inisprey ang pabango ko. Inasar niya pa ako at sinabing mabaho at peke raw iyon. Sinabi rin niyang sumusunod lang daw siya sa utos, kaya itinulak ko siya,” ani Nonoy.
Plano ng pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo kaugnay ng insidente. Handa rin umano silang disiplinahin ang bata kung mapatutunayang may kinalaman ito sa bullying.
Hawak na ng Municipal Social Welfare and Development Office ang kaso. Samantala, pinaalalahanan ng pulisya ang mga estudyante na idulog sa kanilang mga guro o adviser ang anumang alitan upang maiwasan ang karahasan. Mary Anne Sapico