Home METRO Border control sa Capiz, hinigpitan vs ASF

Border control sa Capiz, hinigpitan vs ASF

5
0

SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique – Nagpatupad ng mas mahigpit na border control ang Antique Provincial Veterinary (ProVet) Office at isinailalim sa red alert status ang lalawigan upang mapigilan ang pagpasok ng African swine fever (ASF) kasunod ng mga kumpirmadong kaso sa karatig na lalawigan ng Capiz.

Ayon kay Dr. Marco Rafael Ardamil, hepe ng ProVet Public Health Division, simula Hunyo 20 ay hindi na pinapayagang muling makapasok sa Antique ang mga cargo truck na naghatid ng mga baboy o live weight sa Capiz.

“We are now implementing biosecurity exclusion whereby we are preventing the possible spread of ASF in Antique,” ani Ardamil.

Ipinatupad ang hakbang matapos kumpirmahin ng pamahalaang panlalawigan ng Capiz na nagpositibo sa ASF ang mga blood sample mula sa mga baboy sa Panitan, Pontevedra, at Roxas City batay sa pagsusuri ng Regional Animal Diseases and Diagnostic Laboratory sa Iloilo City.

Sinabi ni Ardamil na karaniwang kumukuha ng mga buhay na baboy ang mga trader mula Capiz sa Antique. Mula Enero hanggang Abril ngayong taon, umabot sa 14,612 ulo ng baboy ang naideliber sa lalawigan.

Pinapayagan pa rin naman ang mga cargo truck na bumibiyahe sa rutang Antique-Iloilo dahil wala pang naitatalang kaso ng ASF sa Iloilo province at Iloilo City. Gayunman, inaatasan ang mga ito na sumailalim sa disinfection bago makapasok sa lalawigan.

Patuloy ding binabantayan ng mga border control checkpoint sa Hamtic at Anini-y ang paggalaw ng mga cargo truck na bumibiyahe sa pagitan ng Antique at Iloilo. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here