Home METRO Unang Ginang Liza, namahagi ng bigas sa ilang pamilya sa Tondo

Unang Ginang Liza, namahagi ng bigas sa ilang pamilya sa Tondo

4
0

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, araw ng Martes ang pangalawang araw ng “Mula sa Puso Para sa Pamilya” initiatives sa Masinop St., District 1, Tondo, Manila, namahagi ng limang kilo ng bigas sa vulnerable families bilang bahagi ng nagpapatuloy na pagsisikap na makapagbigay ng agarang kaginhawaan at suporta sa mga komunidad sa iba’t ibang lugar sa Metropolis.

Binigyang diin ng Unang Ginang kung gaano kahalaga para sa ina na matiyak na mayroong pagkain sa hapag kainan, umaasa na ang tulong na bigas ay kahit papaano ay makagagaan sa kanilang pang-araw-araw na pasanin.

“Bilang isang ina, mahalaga sa atin ‘yung may pagkain sa table. Even if we cannot eradicate poverty, at least we hope that this little thing will help you in the days to come. Maraming-maraming salamat sa inyong pagdalaw dito at – Mula sa Puso Para sa Pamilya – ito para sa inyo,” ang sinabi ni Unang Ginang Liza.

Sa kabilang dako, sinabi ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente, ang sako ng limang kilo ng bigas ay ipinamahagi sa 500 benepisaryo kabilang na ang persons with disabilities (PWDs), solo parents, at senior citizens.

“Malaking bagay ito, malaking tulong lalo na ngayon na medyo mahal ang bilihin,” ani Dela Fuente.

Inilarawan naman ni Dela Fuente ang aktibidad bilang “special,” sabay sabing ang presensiya ng Unang Ginang at direktang pakikipag-ugnayan sa mga benepisaryo ay sumasalamin sa commitment ng administrasyon na magbigay ng konkretong tulong sa mga fillipino.

Ang bigas ayon ay Dela Fuente ay nananatiling mahalaga at pangunahing kailangan ng maraming pamilyang filipino.

“Ang special dito, unang-una, siyempre ‘yung direkta na pag-abot ni First Lady saka ni PBBM sa masa at ‘yung talagang pagtulong nila na nararamdaman ng tao sa masa. Kasi unang-una, importanteng pagkain ang bigas. Kasi kung minsan kahit wala kang ulam, kakain ka basta may bigas ka, ‘di ba? Kaya napakalaking tulong nito sa bawat Manileño,” ang sinabi ni Dela Fuente.

Inanunsyo rin ni Dela Fuente na ang rice aid ay palalawigin sa mga pamilya sa Pampanga St., Sta. Cruz, District 3 sa Maynila sa Hunyo 25.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Dela Fuente kay Unang Ginang Liza at hangad nito ang magandang kalusugan ng huli upang patuloy niyang matulungan ang mga filipinong nangangailangan.

“First Lady, Ma’am Liza Araneta-Marcos, maraming salamat po. At dito po sa Tondo, ramdam na ramdam namin ang pagtulong ninyo. At sana po bigyan pa kayo ng kalakasan ng katawan para marami pa kayong matulungang mahihirap na Pilipino,” ang sinabi ni Dela Fuente.

Gayundin, pinasalamatan din ni Dela Fuente si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inalala nito ang presensiya ng Pangulo sa panahon ng kalamidad at ang hindi nagbabagong suporta sa mga Manileños.

“Kay PBBM, alam mo, pagka may mga bagyo, may sunog, lagi naming kasama si PBBM. Personal siyang bumababa sa mga nasunugan, mga nasalanta ng bagyo. Nagpapasalamat kami. Maraming-maraming salamat po Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,” anito.

Sa kabilang dako, para naman sa mga benepisaryo gaya ni Raquel Encarnacion, isang senior citizen, ang rice assistance ay isang malaking kaginhawaan at tulong para sa kanyang may malaking pamilya.

“Malaking tulong (ang bigas). Ang mahal-mahal ng bigas. Ang dami-dami pa naman namin. Sampu kami… Maraming salamat kasi bigas ‘yan. Talagang kailangan ng tao ang bigas,” ang sinabi ni Encarnacion.

Samantala, sinabi naman ni Michael Vergara, ama ng isang PWD, ang rice aid ay makatutulong at makapagpapagaan sa araw-araw ng gastusin ng isang pamilya. Pinasalamatan din nito si Unang Ginang Liza para sa suporta nito.

“Bilang isang mamamayang Pilipino, napakaimportante ng bigas. Alam mo, sa bansa natin, malakas tayo sa kanin,” ayon naman kay Vergara.

“First Lady Liza Marcos, salamat po sa biyayang ibinigay ninyo. Nakalagay “Mula sa Puso para sa Pamilya”, malaking tulong po ito sa amin sa mga tulad namin,” dagdag na pahayag nito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here