Home NATIONWIDE Kampo ni VP Sara itinangging kinopya witness list ng prosekusyon

Kampo ni VP Sara itinangging kinopya witness list ng prosekusyon

3
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang alegasyong kinokopya o ginagaya nila ang listahan ng mga testigo ng House prosecution panel para sa nalalapit na impeachment trial.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, halos sabay na isinumite ng depensa at prosekusyon ang kani-kanilang pre-trial briefs sa Senate impeachment court noong Hunyo 15 kaya hindi aniya tama na tawaging “mirroring” o “adopting” ang pagpili nila ng mga testigo.

“Sa tingin ko po, sa aming pananaw, hindi naman po tama ‘yung terminology na ‘mirroring’ or ‘adopting’ because as you know, you were here that day, halos sabay po kaming nag-submit ng pre-trial brief,” ani Poa.

Dagdag niya, karapatan ng bawat panig na pumili ng mga testigo at dokumentong ihaharap nila sa paglilitis kaya wala siyang nakikitang problema rito.

Sa pre-trial brief ng depensa, kabilang sa mga nakalistang testigo ang dating senador na si Antonio Trillanes IV at si Ramil Madriaga, na kapwa kabilang sa mga nag-akusa laban sa bise presidente.

Ayon sa depensa, layunin ng kanilang mga testigo na pabulaanan ang mga alegasyon sa Articles of Impeachment at ipakita na ang mga ito ay mga konklusyon lamang sa batas at mga pangyayari.

Sinabi rin ni Poa na maayos na nagpapatuloy ang pre-trial conference bagama’t inaasahang maaaring umabot pa ito hanggang Miyerkules o Huwebes dahil sa dami ng dokumentong kailangang markahan at suriin.

Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay may mga paratang na culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang matitinding paglabag. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here