MANILA, Philippines – Humina na mula sa pagiging super typhoon ang Bagyong Francisco at isa na lamang itong typhoon nitong Martes ng umaga, ayon sa PAGASA.
Bandang alas-4 ng madaling araw, namataan ang sentro ng bagyo 410 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes at hilagang-silangang bahagi ng Cagayan, kabilang ang silangang bahagi ng Babuyan Islands at mga bayan ng Santa Ana at Gonzaga.
Apektado na ng mga panlabas na rainband ng bagyo ang ilang bahagi ng Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Bicol Region.
Bukod sa bagyo, patuloy ring nagpapadala ng kalat-kalat na pag-ulan ang habagat sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, at Sulu Archipelago.
Inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa Batanes, Cagayan, Occidental Mindoro, Palawan, at Antique ngayong Martes. Posible ring magpatuloy ang malalakas na pag-ulan hanggang Huwebes sa Batanes, Occidental Mindoro, at Palawan.
Habang papalayo ang bagyo, maaari nitong hilahin ang habagat patungo sa Luzon sa kalagitnaan ng linggo, na magdudulot ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila.
Inaasahang lalabas ang Bagyong Francisco sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes, Hunyo 26.
Samantala, lumakas na bilang tropical storm ang binabantayang sama ng panahon sa labas ng PAR.
Bandang alas-4 ng umaga, ito ay nasa layong 2,680 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon. Posible itong dumaan malapit sa hilagang-silangang hangganan ng PAR sa Biyernes ngunit hindi inaasahang direktang makaaapekto sa lagay ng panahon sa bansa.
Kapag pumasok ito sa PAR, tatawagin itong Bagyong Gardo. RNT/MND