MANILA, Philippines – Naisumite na ng House prosecution panel sa Senate impeachment court ang kanilang preferred sequence para sa pagpapakita ng mga ebidensya sa gaganaping impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte, kung saan plano nilang unahin ang artikulo hinggil sa assassination plot, grave threats, at inciting to sedition.
Sa isang press conference sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang naturang proposed sequence ay bahagi ng isinumite ng prosecution panel noong June 22.
Gayunman, nakadepende pa rin ito sa pag-apruba ng impeachment court.
“The sequence, according to the presentation of evidence, Article 4, assassination plot, grave threats, and inciting sedition against the government. Article 1, misuse of, misappropriation of confidential funds. Article 3, bribery and corruption within the Department of Education, and last is Article 2, unexplained wealth, false SALN, and continued business interest,” pahayag ni Adiong.
Ipinaliwanag ni Adiong na isinaalang-alang ng prosecution ang trial strategy at ang pag-unawa ng publiko sa kanilang iminungkahing pagkakasunod-sunod ng mga kaso.
Aniya, hindi lamang ang mga senator-judges ang susubaybay sa paglilitis kundi maging ang mamamayang Pilipino, kaya dapat na madali nilang maintindihan ang mga alegasyon at ebidensya habang inilalatag ang mga ito.
Ipinaliwanag din ng prosecution na inilagay sa huling bahagi ang artikulo hinggil sa unexplained wealth dahil sa kapal at dami ng mga dokumentong sangkot dito.
Nilinaw ng House prosecution panel na ang layunin ng kanilang proposed order ay para matulungan ang korte at ang publiko na masundan ang kaso sa isang malinaw na sequence: magsimula sa artikulong pinakamadaling maintindihan, bago tumuloy sa mga usaping may kinalaman sa pondo ng bayan, suhulan, at mga mas mabusising dokumento. Gail Mendoza