MANILA, Philippines – Bago pa man magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, pinag-aaralan na ng House prosecutors ang serye ng mga panukala na maaaring magtakda sa direksyon ng paglilitis, kabilang ang paggamit ng wikang Filipino, panuntunan sa paglalabas ng mga saksi, at ang paghawak sa mahahalagang ebidensya.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, kasalukuyan nang tinatapos ng House prosecution panel ang kanilang posisyon sa ibat ibang procedural matters at maaari silang maghain ng manifestation sa Senate impeachment court.
Kabilang sa mga pinagdidiskusyunan ay ang pag-adopt sa wikang Filipino kasama ang English bilang mga opisyal na wika na gagamitin sa buong duration ng trial.
“We are discussing about the adoption of Filipino language and English language to be the official languages to be used during the impeachment trial,” ani Luistro sa isang press briefing.
Pinag-aaralan din ng prosecution panel ang posibleng pagpapatupad ng panuntunan kung saan obligado ang magkabilang panig na ihayag ang kanilang mga saksi nang hindi bababa sa tatlong araw bago ang nakatakda nilang pag-testigo sa korte.
Layunin nito na mabigyan ng sapat na abiso ang magkabilang panig hinggil sa mga saksing sasalang sa paglilitis.
“We are also discussing on the possible participation of public and private prosecutors in the presentation of a witness. That means that the public and the private [prosecutors] will participate in the presentation and conclusion of the testimony of one witness.” paliwanag ni Luistro.
Ang House prosecution panel ay binubuo ng 11 public prosecutors at tinutulungan ng isang team ng mga pribadong abogado.
Samantala, Inihayag din ni Luistro na seryoso nilang pinag-uusapan ang hiling na buksan ang tinaguriang “BIR box,” na naglalaman ng mga tax records na nakuha ng House Committee on Justice mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong panahon ng imbestigasyon sa mga impeachment complaint laban kay Duterte.
Gayunpaman, nilinaw ng lead prosecutor na nagpapatuloy pa ang mga diskusyon sa mga naturang panukala at wala pang pinal na desisyon ukol dito. Gail Mendoza