MANILA, Philippines – Ipinauubaya na ng Department of Justice (DOJ) sa mga law makers o mambabatas sa panukala na babaan ang edad ng mga gumagawa ng krimen na mga menor de edad o ‘minimum age of criminal responsibility’ sa Pilipinas.
Sa ambush interview kay Justice spokesperson Atty. Polo Martinez , sinabi na ang DOJ bilang bahagi ng executive branch ay hindi makakapgkomento hinggil sa usapin dahil mayroong aniyang batas at ito ay ang Juvinile Justice Welfare Act o RA 9344 at sa ilalim ng batas ay mayroong mekanismo.
Alinsunod dito ay aalamin ang pananagutan ng isang menor de edad kung nararapat bang patawan ng parusa batay sa sinasabi ng batas.
Ang pahayag ni Martinez ay kaugnay sa nangyaring pamamaril ng sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 kung saan tatlong mag-aaral ang nasawi at ilang kapwa estudyante pa ang sugatan sa insidente.
Ayon pa kay Martinez ,isa sa tutukuyin sa imbestigasyon para matapos ang pananagutan ng isang menor de edad ay kung may discernment na ang bata noong ginawan ang krimen.
Dagdag pa ni Martinez, sakaling humingi naman ng legal opinion sa DOJ, pero muling iginiit na ito ay pangunahing domain ng mga mambabatas dahil sila ang may mandato na alamin kung may pagkukulang o wala.
Ibinahaging pa ni Martinez na base sa nabanggit na batas ay maaaring ilagay sa kustodiya ng “Bahay Pag-asa”, ang mga batang nasa edad 15 pababa kung saan isinailalim sila sa intensive Juvinile program.
Sa ngayon sinabi ng tagapagsalita ng DOJ na hintayin muna na matapos ang imbestigasyon at lumabas ang katotohanan.
Samantala, nagpahatid naman ng pakikiramay si Martinez sa mga naapektuhang pamilya ng mga biktima sa pamamaril. Jocelyn Tabangcura-Domenden