Home NATIONWIDE SC ibinasura 15-year rule ng GSIS sa survivorship benefits

SC ibinasura 15-year rule ng GSIS sa survivorship benefits

4
0

MANILA, Philippines – Idineklara ng Korte Suprema na lumagpas sa kapangyarihan ang Government Service Insurance System (GSIS) nang maglabas ito ng patakaran na nagkakait ng karapatan sa survivorship benefits ang mga secondary beneficiary ng mga namatay na miyembro na may hindi bababa sa tatlo ngunit mas mababa sa 15 taon ng serbisyo.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henry Jean Paul Inting, idineklara ng SC Third Division na ang Section 24.2.2 ng Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 8291 o The Government Service Insurance Act of 1997 ay ultra vires o wala sa kapangyarihan ng GSIS na ipatupad. Dahil dito, ipinagbawal sa GSIS ang pagpapatupad ng naturang probisyon hangga’t sumasalungat ito sa Section 21(c) ng batas.

Nanalo sa kaso si Petronilo Laroco, ama ng gurong si Cristie Laroco na namatay habang nasa serbisyo matapos lamang makapaglingkod nang 13 taon. Tinanggihan ng GSIS ang kanyang claim dahil hindi siya “primary beneficiary” at kulang sa 15 taon ang serbisyo ng kanyang anak.

Pinawalang-bisa ng SC ang dagdag na 15-taong requirement ng GSIS dahil sumasalungat ito sa mismong batas. Ayon sa GSIS Act, may karapatan ang secondary beneficiary sa survivorship benefits kung walang primary beneficiary, umaasa sa namatay, nasa serbisyo ito nang mamatay, at may hindi bababa sa tatlong taon ng serbisyo.

Giit ng SC, ang mga batas sa social security ay dapat bigyan ng malawak na interpretasyon pabor sa empleyado at kanilang pamilya. Kung nais baguhin ng GSIS ang naturang patakaran, dapat itong idaan sa Kongreso at hindi lamang sa IRR.

Ipinabalik ang kaso sa GSIS upang kwentahin ang benepisyong dapat matanggap ni Laroco.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here