Home NATIONWIDE JTI nanawagan sa ASEAN na paigtingin kooperasyon laban sa smuggling ng tabako

JTI nanawagan sa ASEAN na paigtingin kooperasyon laban sa smuggling ng tabako

5
0

KUALA LUMPUR, MALAYSIA- Hinimok ng Japan Tobacco International (JTI) ang mga gobyerno sa Southeast Asia na magtulungan laban sa tobacco smuggling, at binalaan na ang watak-watak na enforcement sa rehiyon ang sinasamantala ng mga illicit trader na lalong tumatarget sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng kontrabando.

Isinusulong ng JTI ang “harmonized export controls” o pagkakatugma ng mga patakaran sa pag-export sa buong ASEAN at ang pagbuo ng isang regional law enforcement body na magko-coordinate sa customs operations, intelligence sharing, at cargo verification.

“Illegal tobacco trade is not just a matter that requires acting within one jurisdiction, simply because it is cross-border by nature. The next victory against organized criminality will come from connecting this type of action across the entire Southeast Asia region,” paliwanag ni Valentin Dinca, regional director ng JTI para sa Anti-Illicit Trade Operations.

“The Philippines is highly vulnerable. The Philippines is a primary destination market, which makes a strong case for the Philippines to advocate for a broader regional perspective,” dagdag pa ni Dinca sa isang press briefing.

Batay sa datos ng industriya, tumaas sa 26.4 porsiyento ang insidente ng ilegal na kalakalan sa Pilipinas noong unang bahagi ng 2026 mula sa 23.8 porsiyento noong 2024. Ang Mindanao ang nananatiling sentro nito.

Ayon sa pag-aaral ng EU-ASEAN Business Council at Euromonitor International, mahigit isa sa bawat apat na sigarilyong ibinenta sa loob ng bansa noong 2025 ay ilegal. Ito ang pangalawang pinakamataas na bahagi sa ASEAN-6, kasunod lamang ng Malaysia na may 56.8 porsiyento. Mas mataas ito kumpara sa Thailand (23.6 porsiyento), Vietnam (16.5 porsiyento), Indonesia (11.5 porsiyento), at Singapore (5.5 porsiyento).

Samantala, mahigit apat sa bawat limang e-vape sa Pilipinas ang illegal din.

Sa buong ASEAN-6, na binubuo ng Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand at Vietnam, humigit-kumulang 145 bilyong stick ng illicit na sigarilyo at e-vape ang naibenta. Umabot sa $13.1 bilyon ang pinagsamang nawalang kita ng mga gobyerno sa nakalipas na dalawang taon.

Ang Pilipinas lamang ay nawalan ng hindi bababa sa $2.5 bilyon, o humigit-kumulang P141 bilyon. Sa bilang na ito, P118 bilyon ang mula sa illicit na sigarilyo at P23 bilyon mula sa illegal na vape noong 2024 at 2025, ayon sa 2025 study ng Euromonitor.

Sinabi ni Shaiful Mahpar, corporate affairs and communications director ng JTI Philippines, na mas malaki ang merkado ng Pilipinas kaysa Malaysia, na may total volume na mahigit 43 bilyong stick. Mas marami pa umano ang nawawalang volume sa Pilipinas kaysa sa kabuuang benta ng sigarilyo sa Malaysia.

Binanggit ni Dinca ang Transnational Organized Crime Threat Assessment 2026 ng United Nations Office on Drugs and Crime, na nagsabing nag-declare ang Indonesia ng mahigit 38,000 tonelada ng tobacco exports patungong Pilipinas noong 2024. Katumbas ito ng humigit-kumulang 38 bilyong stick.

Ngunit 366 tonelada lamang ang nakatala sa import records ng Pilipinas. Ang agwat na halos 99 porsiyento ay posibleng senyales ng export diversion, ani Dinca.

Paliwanag niya, madalas na nalilihis ang mga kargamento bago makarating sa declared destination. Idinedeklara muna ang shipment para sa isang legal na destinasyon. Kapag hindi ito pasado sa registration o tax requirements ng destination market, inililipat ito sa maliliit na sasakyang pandagat bago ipasok sa domestic market.

“The risk is not the declared route. It is what happens after the shipment leaves the formal supply chain and moves through less visible channels,” sabi ni Dinca.

Ayon sa JTI, ang Pilipinas at Malaysia ang mga pangunahing destinasyon ng illicit na tabako mula sa China, United Arab Emirates, Vietnam, Indonesia at Cambodia. Dumadaan ang mga ito sa transit hubs sa Malaysia, Singapore at Thailand.

Nilinaw ni Dinca na transit points lamang ang Malaysia at Indonesia at hindi palaging pinagmulan ng mga produkto.

“Mindanao serves as a critical convergence point where regional maritime routes meet domestic distribution channels” ani Dinca. Mula Malaysia at Indonesia, dumadaan ang mga ruta sa Tawi-Tawi, Sarangani at Zamboanga bago dalhin sa mga distribution center sa iba’t ibang rehiyon at lungsod.

Tinaguriang “southern backdoor” ng bansa ang timog-kanlurang Mindanao, na sumasaklaw sa Sulu Archipelago, Zamboanga Peninsula at bahagi ng Palawan. Ginagamit ito ng mga sindikato dahil malapit ito sa mga karatig-bansa, overlapping na maritime borders, limitado ang maritime surveillance at matagal nang may impormal na barter at maritime trade

Sa press briefing noong Lunes, Setyembre 28, sinabi ni Dinca na priority market ng JTI ang Pilipinas kahit na ang Mindanao ang pangunahing target ng illicit trade. Ayon sa kompanya, mayroon nang functional export control framework ang Pilipinas na maaaring maging anchor ng mas malawak na regional response.

Sa ilalim ng umiiral na patakaran, hindi maaaring mag-export ng sigarilyo ang mga Philippine manufacturer na hindi sumusunod sa tax at regulatory requirements ng destination country. Isa ang Pilipinas sa iilang ekonomiya sa Asya na may ganitong safeguard.

“You cannot manufacture or export cigarettes from the Philippines to another country without complying with that destination’s laws. However, other ASEAN countries lack this requirement, so there is no reciprocity,” ani Mahpar.

Nanawagan ang JTI sa mga ASEAN member na magpatupad ng reciprocal export controls para matakpan ang mga loophole sa transshipment. Ayon kay Dinca, maaaring malaki ang mabawas sa cross-border transshipment flows kung gagayahin ng buong ASEAN ang export control model ng Pilipinas.

Suporta sa unified excise tax sa vape

Samantala, suportado rin ng JTI ang proposal ng Department of Finance (DOF) na i-unify ang excise tax sa mga e-liquid, na ayon sa kompanya ay magsasara sa loophole na sinasamantala ng mga illicit vape trader.

Ayon kay Mahpar, ide-declare ng mga smuggler ang salt nicotine, na mas smooth at mas mataas ang buwis, bilang freebase nicotine, na mas harsh at mas mababa ang buwis. Hindi ito matutukoy ng mga customs officer sa tingin lamang.

“Laboratory testing is needed to determine whether an e-liquid is freebase or salt nicotine,” ani Mahpar. “This is the exact loop illicit vape smugglers have been exploiting. You are basically paying very little tax for a product that should be heavily taxed,” dagdag nito.

Makakatulong umano ang single tax rate para pigilan ang tinatawag na “technical smuggling,” mapataas ang revenue collection, at ma-level ang playing field ng mga lehitimong negosyo at illicit trader.

Iminumungkahi ng DOF ang unified excise tax na P72.90 sa mga vape product, na may 5 porsiyentong annual increase. Ilalapat ito sa bawat mililitro ng salt nicotine, bawat 2 mililitro ng freebase liquid, at bawat pakete ng 20 heated tobacco stick. Kasama rin sa proposal ang P150 excise tax sa mga vape device at novel tobacco product.

Tinataya ng DOF na kikita ang gobyerno ng P8.26 bilyon kada taon mula sa hakbang na ito. Inaasahan din na bababa ng 128 milyong mililitro ang freebase consumption pagsapit ng 2030.

Binalaan naman ni Dinca na maaaring lumakas ang black market kung hindi sasabayan ng mahigpit na enforcement ang anumang pagtaas ng buwis. Gayunman, nagpahayag siya ng tiwala sa kakayahan ng gobyerno ng Pilipinas.

“In the Philippines, I’m comfortable at this point with whatever decision the government makes, simply because I know the authorities will do their job. Whatever tax increase is implemented, authorities must match it with robust enforcement,” ani Dinca.

Binigyang-diin niyang walang iisang ahensya na may hawak sa buong enforcement chain.

“Smuggling networks do not operate within the boundaries of a single country. They take advantage of gaps between jurisdictions, moving products through different markets and shifting routes to avoid detection. This is why stronger regional cooperation is essential,” pagtatapos ni Dinca. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here