Home NATIONWIDE House probe sa mga insidente ng karahasan sa paaralan, inihain sa Kamara

House probe sa mga insidente ng karahasan sa paaralan, inihain sa Kamara

4
0

MANILA, Philippines – Pormal nang inihain ni Manila Rep. Rolando Valeriano ang House Resolution No. 1146 upang maimbestigahan ang serye ng karahasan sa mga paaralan sa bansa, partikular ang naganap na pananaksak sa Cavite at ang madugong pamamaril sa Tacloban City.

Ayon kay Valeriano, na siya ring chairperson ng Committee on Public Order and Safety, matagal na ang problema sa seguridad sa mga eskuwelahan na nagresulta sa pagkasawi ng mga mag-aaral at guro dahil sa baril at patalim.

Binigyang-diin ng kongresista ang malalaking pagkukulang sa seguridad kung saan madaling nakapapasok ang mga armado at estranghero dahil sa kawalan ng mga trained security personnel, mabababang bakod, at kakulangan sa mga pasilidad. Kulang din ang mga paaralan sa guidance counselors at school nurses na sanay tumutok sa mental health at mga warning signs ng karahasan.

“Congress must determine where our schools, local governments, and national agencies are falling short, and what legislative reforms are needed to strengthen campus security, guidance services, mental health programs, and violence prevention measures before more students and teachers are harmed,” ayon kay Valeriano.

Una na ring nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na agad magsagawa ng House inquiry. Aniya, ang naganap sa Tacloban ay hindi lamang isang hiwalay na kaso ng kriminalidad kundi salamin ng malawakang kapabayaan sa sistema at imprastraktura ng mga pampublikong paaralan sa bansa.

“The Tacloban tragedy exposes chronic underfunding, overcrowding, understaffing, and inadequate psychosocial support in Philippine schools. Public schools face shortages of 150,000 teachers and 160,000 classrooms nationwide, while thousands lack guidance counselors, nurses, and support personnel. Second Congressional Commission on Education findings show that overcrowded classrooms directly contribute to bullying, intimidation, and diminished student safety,” ani Tinio.

Mariing tinutulan ni Tinio ang mga mungkahi na tanging paghihigpit sa seguridad o pagpapadala ng mga pulis ang magiging tugon sa krisis. Babala niya, ang labis na pagbabantay at surveillance ay magmumukhang “war zone” o garrison ang mga eskuwelahan sa halip na maging ligtas na komunidad ng pagkatuto.

“Ang buhay ng mga bata ay hindi dapat ikompromiso dahil sa budget cuts. Ang bawat paaralan ay dapat may sapat na guidance counselors, nurses, at support personnel. Ang Tacloban tragedy ay nagpapakita ng resulta ng patuloy na kapabayaan sa sistema ng edukasyon,” giit pa nito.

Dahil dito, hiniling ni Tinio na itaas ang pondo para sa edukasyon upang makakuha ng karagdagang mga counselor at nurse, makapagtayo ng sapat na mga silid-aralan upang maiwasan ang pagsisiksikan, at makapagpatupad ng malawakang mental health programs.

“Ang mga bata ay nangangailangan ng mga guro na may oras para sa kanila at mga counselor na nakikinig. Hindi sila nangangailangan ng mas maraming pulis,” giit pa nito. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here