Home NATIONWIDE Khan dapat patalsikin sa inappropriate sexual relationship – ICC bureau

Khan dapat patalsikin sa inappropriate sexual relationship – ICC bureau

6
0

THE HAGUE – Inirekomenda ng oversight body ng International Criminal Court (ICC) ang pagpapatalsik kay Prosecutor Karim Khan matapos nitong mapagpasyahan na nagkaroon siya ng hindi angkop na sexual relationship sa isang junior staff member, ayon sa mga dokumentong nakita ng Reuters.

Ito ang unang pagkakataon na lumabas ang mga detalye ng desisyon kaugnay ng reklamong inihain noong 2024 ng isang babaeng abogado laban kay Khan, 56-anyos na British barrister. Kabilang sa rekomendasyon ang kanyang pagtanggal sa puwesto dahil sa umano’y seryosong misconduct.

Ang pasya ng executive bureau ng Assembly of States Parties (ASP), ang governing body ng ICC, ang magiging batayan sa botohan ng 125 miyembrong bansa ng korte na nakatakdang idaos sa New York sa Hulyo 24.

Mariing itinanggi ni Khan ang mga alegasyon.

“The decision is unlawful, procedurally unfair and unsupported by evidence,” ayon sa kanyang mga abogado sa pahayag na ipinadala sa Reuters.

Binanggit ng kampo ni Khan ang naunang pagsusuri ng tatlong external judges na nagsabing hindi sapat ang ebidensya upang patunayan ang mga alegasyon “beyond a reasonable doubt.”

Gayunman, isinantabi ng bureau ang naturang opinyon at iginiit na sapat ang ebidensyang nakalap mula sa isang taong imbestigasyon ng United Nations na ipinagawa ng ICC.

Ayon sa dokumento na may petsang Hunyo 8, napatunayan umano “beyond a reasonable doubt” na nagkaroon ng sexual relationship si Khan at ang complainant, na nagsimula noong Marso 2023 at lumala habang tumatagal.

Sinabi rin sa dokumento na dahil sa umiiral na power imbalance sa pagitan nila, hindi kailanman naging angkop ang naturang relasyon.

Batay sa ulat ng U.N. na sinipi sa dokumento, umano’y nagkaroon pa ng mga insidente ng non-consensual sexual contact sa opisina ni Khan, sa kanyang pribadong tirahan, at habang nasa official mission.

Dahil dito, inilarawan ng bureau ang kanyang ginawa bilang “serious breach of duty” at “serious misconduct” at inirekomenda ang kanyang pagtanggal sa puwesto bilang ICC prosecutor.

Kailangan ang boto ng hindi bababa sa 63 sa 125 miyembrong estado upang maaprubahan ang kanyang pagpapatalsik.

Si Khan, na dating defense attorney bago naging ICC prosecutor limang taon na ang nakalipas, ay kasalukuyang suspendido ng ICC at ng independent regulator ng mga abogado sa United Kingdom.

Samantala, lalong lumalim ang krisis sa ICC dahil sa kasong ito, kasabay ng mga ipinataw na parusa ng Estados Unidos laban sa ilang hukom at opisyal ng korte kaugnay ng mga imbestigasyon nito sa Israel at Estados Unidos.

Ipinunto ng ilang tagasuporta ni Khan na maaaring siya ay naging target dahil sa paghingi niya noong 2024 ng arrest warrants laban kina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at dating Defense Minister Yoav Gallant kaugnay ng digmaan sa Gaza.

Gayunman, nananatiling epektibo ang mga naturang warrant kahit mapatalsik si Khan dahil naaprubahan na ang mga ito ng mga hukom ng ICC. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here