MANILA, Philippines – Bukas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paglahok sa legislative discussion sa pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility (MACR) para sa mga menor de edad, ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian nitong Miyerkules, Hunyo 24.
“In light of recent events, the department shares the same openness of President Ferdinand R. Marcos Jr. in discussing the issue,” saad sa pahayag ni Gatchalian.
“We look forward to listening and participating in the upcoming hearings in aid of legislation. Suffice to say, whatever the outcome of these hearings will be, the department will follow,” dagdag pa niya.
Ani Gatchalian, lalahok din ang attached agencies ng DSWD na Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) at Council for the Welfare of Children (CWC) sa mga committee hearing upang masiguro ang kapakanan ng mga bata sa diskusyon.
Matatandaan na pinalutang ang usapin ng pagpapababa sa minimum age ng criminal responsibility sa mga menor de edad matapos ang shooting incident sa paaralan sa Tacloban City.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek na edad 15-anyos at 14-anyos ay nagplano umano ng pamamaril at pinag-usapan pa ang patungkol sa Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act bago ang insidente.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga bata edad 15 at pababa ay exempted mula sa criminal liability, habang ang mga edad 15 pataas ngunit mas bata sa 18 ay maaaring mapanagot kung sila ay mapatutunayang gumawa nang may discernment sa krimen. RNT/JGC