MANILA, Philippines – Hinamon ni Manila Rep. Joel Chua, ntumatayong House prosecutor, ang defense team ni Vice President Sara Duterte na iharap si “Mary Grace Piattos” sa darating na impeachment trial upang tuluyan nang mawakasan ang kontrobersya sa maling paggamit ng confidential funds.
Naging sentro ng usap-usapan ang pangalang “Mary Grace Piattos” matapos itong matagpuan sa mga acknowledgment receipt na isumite para sa liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP). Gayunman, una nang inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang nahanap na birth record sa ilalim ng naturang pangalan.
Kinumpirma ni Chua na nananatili si Piattos sa witness list ng prosekusyon bilang isang material witness.
“Material witness po ’yan, lalong-lalo na sa confidential funds. So kung lumutang po o hindi siya lumutang, ibig sabihin bogus siya. Kung lumutang naman siya, pwede namin siyang ma-cross examine,” pahayag ni Chua.
Nang tanungin kung bakit isinama pa rin si Piattos sa listahan kahit walang direktang komunikasyon ang prosekusyon dito, sinabi ni Chua na nais nilang makita kung may maglalakas-loob na lumutang at magpanggap gamit ang pangalang ito.
Ipinasa naman ng mambabatas ang hamon sa kampo ni Duterte sakaling kuwestyunin ng depensa ang pagsasama kay Piattos sa mga testigo.
“Di kwestyunin nila. Eh nandun siya sa isa sa mga nakatanggap ng confidential fund eh. Bakit nila kukwestyunin eh nilagay nila dun, di ba may pangalan siya dun, Mary Grace Piattos? They should produce kasi kung hindi nila mapo-produce ’yun eh bogus ’yun,” paliwanag nito.
Tinabla rin ni Chua ang mga haka-haka na posibleng isang “code name” lamang ang nakasulat sa resibo.
“Eh di ilabas nila ’yung totoo kung sinuman ’yun. That is the only way to settle this issue once and for all,” giit ni C hua. Gail Mendoza