Home OPINION MAS KWALIPIKADO NAMAN SI CHIZ—UP LAW DEAN

MAS KWALIPIKADO NAMAN SI CHIZ—UP LAW DEAN

3
0

MARAMI ang nagtatanong kung bakit si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero ang napipisil na maging Presiding Officer sa Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Para sa ilan, may duda sa kanyang pagiging patas dahil sa mga nangyari noong nakaraang taon nang siya pa ang namumuno sa Senado.

Pero ayon kay University of the Philippines College of Law Associate Dean at Assistant Professor Paolo Tamase, marami sa mga batikos na ito ang hindi nakabatay sa kabuuang konteksto ng mga nangyari.

Isa sa pinakamadalas na akusasyon laban kay Escudero ay siya umano ang nagpabagal sa Impeachment proceedings. Ngunit ipinaalala ni Tamase na ang pag-remand (send back) sa Articles of Impeachment ng Kamara ay hindi naman nagmula kay Escudero. Ang mungkahi ay unang inihain ni Senator Alan Peter Cayetano at sinuportahan ng mayorya ng Senado.

“So in the sense na sinuportahan siya nu’ng mayorya, walang choice ‘yung Senate President to go with it,” paliwanag ni Tamase.

Mahalagang tandaan na hindi kayang idikta ng SP ang lahat ng desisyon sa Senado. Ang institusyon mismo ang nagpapasya sa pamamagitan ng boto ng mga senador.

Maging ang usapin sa salitang “forthwith” ay hindi rin simpleng tanong ng tama o mali. Ayon kay Tamase, may mga legal expert na naniniwalang maaaring magpatuloy ang proseso kahit recess, habang may iba na may kabaligtarang interpretasyon. Sa katunayan, sinabi rin ng Korte Suprema na hindi awtomatikong nangangahulugang “agad-agad” ang salitang ito.

Para kay Tamase, isa ring importanteng konsiderasyon na abogado ang mamumuno sa paglilitis. Ang Impeachment ay hindi political rally o paligsahan sa social media. Isa itong ‘legal process’ na mahalaga ang wastong pag-unawa sa batas at mga tuntunin.

“Nakatutulong ‘yun kasi ‘yung abogado kahit papaano may sense siya kung ano ‘yung procedurally correct.”

At kahit sino pa ang maging Presiding Officer, hindi niya hawak ang magiging resulta ng paglilitis. Ang senator-judges pa rin ang magpapasya.

Sa isang usaping malalim ang hati-hating opinyon ng publiko, marahil ang kailangan ay hindi isang opisyal na kakampihan ng isang panig. Mas mahalaga ang isang taong kayang tanggapin ng magkabilang kampo at makapagpatakbo ng prosesong may tiwala ang lahat na patas at naaayon sa batas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here