Home METRO 2K indibidwal lumahok sa Rainbow Parade sa Pasay

2K indibidwal lumahok sa Rainbow Parade sa Pasay

66
0

MANILA, Philippines – Kaugnay ng selebrasyon ng Pride Month ng LGBTQIA+ community, lumahok ang nasa 2,000 supporters at miyembro ng komunidad sa makulay na Rainbow Parade sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Pasay noong Miyerkules ng hapon, Hunyo 24.

Ang taunang parada ay pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, kung saan anim na makukulay at madekorasyong floats ang ipinarada, kasabay ng pagmamartsa ng mga naka-costume na participants na umikot sa mga pangunahing kalsada sa lungsod.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na isinagawa ang Rainbow Parade upang mabigyan ng atensyon ang magagandang nagawa, talento, at mahalagang kontribusyon ng LGBTQIA+ community sa pagbuo ng mas progresibo at inklusibong komunidad.

Nagsimula ang parada alas-3:00 ng hapon at dumaan sa Tramo Street at EDSA bago tumungo sa kahabaan ng Arnaiz Avenue, Roxas Service Road, hanggang Derham Street. Nagsama-sama ang mga kalahok sa Cuneta Astrodome, kung saan isinagawa rin, bilang bahagi ng selebrasyon, ang Ms. Gay Pasay Tourism pageant.

Sa isinagawang patimpalak, nagpakita ang mga kandidato ng kanilang ganda, talento, kompiyansa sa sarili, at adbokasiya para sa pagkakapantay-pantay at inklusyon.

Nakuha ng taga-Malibay na si Twinkle Marie del Plaza ang third runner-up at P5,000, habang si Kaylie ng Putuhan, Tramo ang second runner-up at tumanggap ng P10,000.

Si Juliana Parizcova ng Barangay 60, Padre Burgos, na nagwagi rin ng titulo sa kauna-unahang Q&A Ms. Gay contest ng *It’s Showtime*, ang tinanghal na first runner-up at tumanggap ng P20,000. Samantala, ang korona bilang Ms. Gay Pasay Tourism 2026 ay nasungkit ni Barbie Alvarez ng Villamor, na nakapag-uwi ng cash prize na P30,000.

Bilang bahagi ng mga aktibidad ng Pride Month, nagsagawa rin ang lokal na pamahalaan ng lecture tungkol sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression (SOGIE) Ordinance upang mabigyan ng nararapat na kaalaman ang publiko tungkol sa mga karapatan ng LGBTQIA+ community at maisulong ang pagsisikap na mapigilan ang diskriminasyon.

“The annual celebration serves as a platform to strengthen support for diversity, human rights, and equal opportunities while encouraging respect and understanding among all residents, regardless of gender identity or sexual orientation,” ani Calixto-Rubiano. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here