MANILA – Nag-utos si Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ng masusi at komprehensibong imbestigasyon kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pang biktima.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang hepe ng PNP sa mga pamilya ng mga nasawi at tiniyak na pananagutin ang sinumang mapatutunayang responsable sa insidente.
Ayon kay Nartatez, inatasan na niya ang Police Regional Office 8 na tiyaking maayos at walang kinikilingang imbestigasyon sa kaso. Pinaigting din aniya ang koordinasyon ng PNP sa Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, at mga opisyal ng paaralan upang mapalakas ang seguridad sa mga eskuwelahan.
Lalong naging sentro ng imbestigasyon ang ulat na isa sa mga baril na ginamit sa pamamaril ay umano’y service firearm na nakaisyu sa isang pulis.
Binigyang-diin ni Nartatez na susundan ng mga imbestigador ang lahat ng ebidensya at hindi umano magiging hadlang ang ranggo o posisyon sa pagtukoy ng pananagutan.
Kasabay nito, iniutos din ng PNP chief ang pagpapalakas ng police visibility at preventive patrols sa paligid ng mga paaralan bilang bahagi ng agarang hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Naniniwala ang pamunuan ng PNP na mahalagang mapalakas hindi lamang ang seguridad sa mga paaralan kundi maging ang mahigpit na pangangasiwa sa mga service firearm at ang koordinasyon ng kapulisan sa mga guro, magulang, at lokal na pamahalaan.
Iginiit ni Nartatez na ang layunin ng imbestigasyon ay maihatid ang hustisya sa mga biktima at mapanatili ang tiwala ng publiko sa kapulisan sa pamamagitan ng isang patas, transparent, at nakabatay sa ebidensyang proseso.
Ayon sa PNP, ang mga hakbang na ito ay kaakibat ng kampanya nitong “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” na naglalayong tiyaking may pananagutan ang bawat sangkot at mapatatag ang kaligtasan ng mga komunidad, lalo na sa mga paaralan. JAY Reyes