Home NATIONWIDE PBBM, iniatas mabilis na resolusyon ng LRT-1 Cavite Extension right-of-way issues

PBBM, iniatas mabilis na resolusyon ng LRT-1 Cavite Extension right-of-way issues

1
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na agad na lutasin ang usapin hinggil sa matagal nang right-of-way issue na naging dahilan ng pagkaantala sa pagkumpleto ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension project.

Giit ng Pangulo, hindi na dapat nagtitiis ang commuting public sa mga konsikuwensya ng naantalang imprastraktura.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na inatasan ni Pangulong Marcos si Transportation Secretary Giovanni Lopez na madaliin ang resolusyon ng right-of-way concerns, kabilang ang mga usapin na may kinalaman sa planong Las Piñas Station.

“Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matapos ang LRT-1 Cavite Extension para sa ikagiginhawa ng mas maraming mananakay,” ani Castro.

“Matagal nang nakabinbin ang nasabing proyekto at hindi dapat ang taumbayan ang magdurusa sa pagkaantala nito dahil lamang sa usapin ng right-of-way,” aniya.

Hangad din aniya ni Pangulong Marcos na matapos ang proyekto sa lalong madaling panahon upang makapagbigay ng kaginhawaan sa mga mananakay.

“Mabilisang pagtatapos ng proyekto ang nais ng Pangulo para sa ikagiginhawa ng taumbayan,” dagdag ni Castro.

Ang LRT-1 Cavite Extension ay inaasahang magpapalawak sa umiiral na rail line patungo sa southern Metro Manila at Cavite, mapahusay ang connectivity, at mabawasan ang travel time para sa daan-daang libong pasahero.

Ayon sa Malakanyang, ang LRT-1 Cavite Extension ay isang P64.9-bilyong proyekto na ipinatutupad sa pamamagitan ng public-private partnership sa pagitan ng national government, Japan International Cooperation Agency (JICA), at private concessionaire na Light Rail Manila Corporation (LRMC).

Ang proyekto ay tinustusan sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) mula sa Japan, kasabay ng investments mula sa pribadong sektor.

Tinuran pa ni Castro na ang gobyerno ay hindi responsable sa kasalukuyang pagkaantala at hinikayat ang lahat ng sangkot na partido na makipagtulungan upang matapos ang proyekto.

“Hindi po gobyerno ang dahilan ng delay sa pag-usad ng proyektong ito, kaya sabay-sabay nating kalampagin ang iba pang stakeholders na makipagkaisa at makipagtulungan upang huwag maging balakid sa mabilisang pagtatapos ng proyekto,” diin ni Castro.

Dapat aniyang mangibabaw ang kapakanan ng mga mananakay kaysa sa interes ng mga pribadong kumpanya o politiko.

“Ang dapat na mangibabaw ay ang interes ng mananakay at hindi ang interes ng ilang kumpanya o politiko,” ani Castro.

Sa kasalukuyan, ang LRT-1 ay nag-o-operate ng 25 istasyon, mula Fernando Poe Jr. Station sa Quezon City hanggang Dr. Santos Station sa Parañaque, kasunod ng pagbubukas ng first phase ng Cavite Extension noong Nobyembre 2024.

Sa oras na makumpleto ang buong Cavite Extension, madaragdagan ito ng tatlong istasyon—Las Piñas, Zapote, at Niog—na magpapataas sa kabuuang bilang ng LRT-1 stations sa 28. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here