MANILA, Philippines – Umabot na sa 81 ang bilang ng mga naiulat na nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani at mga karatig-lugar noong Hunyo 8, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakahuling situational report, sinabi ng NDRRMC na siyam pa lamang sa mga naitalang nasawi ang kumpirmado at pawang mula sa Davao Region, habang 72 iba pa ang patuloy na bina-validate, kabilang ang 12 mula sa Davao Region at 60 mula sa Soccsksargen.
Naitala rin ang 1,315 nasugatan at 31 nawawala.
Apektado ng lindol ang 382,629 pamilya o katumbas ng 1,633,161 katao mula sa 620 barangay sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Umabot naman sa 87,058 kabahayan ang napinsala sa Regions 9, 11, 12 at BARMM, habang nananatili sa P1.356 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura. Santi Celario