Home HOME BANNER STORY 1,200 fish cage sapul ng malawakang fish kill sa Magat Dam

1,200 fish cage sapul ng malawakang fish kill sa Magat Dam

1
0

RAMON, Isabela – Dobleng dagok ngayon ang pagkalugi ng mahigit 170 fish cage operators na naapektuhan ng fish kill o pagkamatay ng mga alagang tilapia sa bahagi ng Magat Dam sa Ramon at Cordon, Isabela.

Ayon kay Provincial Fisheries Officer Gerico Gibe, batay sa kanilang inisyal na datos, tinatayang 174 hanggang 178 aktibong fish cage operators at nasa 1,200 fish cage units ang naapektuhan ng insidente.

Matatandaang unang nagsagawa ng water quality assessment noong Hunyo 22 ang nasabing ahensya matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagkamatay ng mga isda sa ilang bahagi ng reservoir.

Lumitaw sa isinagawang pagsusuri na normal ang karamihan sa water quality parameters, maliban sa dissolved oxygen o lebel ng oxygen sa tubig na bumaba sa critical level.

Aniya, mula sa mababang antas noong unang pagsusuri ay lalo pa itong bumaba hanggang umabot sa 0 hanggang 0.8 milligrams kada litro—antas na delikado na para sa pananatiling buhay ng mga isda.

Ipinaliwanag ng opisyal na pangunahing dahilan ng fish kill ay ang mababang lebel ng tubig sa Magat Dam, na nagdulot ng limitadong sirkulasyon ng tubig at kakulangan ng oxygen sa reservoir.

Dahil dito, agad na pinayuhan ng BFAR ang mga operator na magsagawa ng emergency o force harvest upang maisalba ang maaari pang maibentang mga alagang isda.

Patuloy namang kinokolekta ng mga awtoridad ang kabuuang lawak ng pinsala habang hinihikayat ang mga fish cage operator na pansamantalang huwag munang mag-restock hanggang sa bumuti ang kondisyon ng tubig sa naturang dam. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here