MANILA, Philippines – Isang apat na taong gulang na batang babae ang ligtas nang matagpuan ng mga awtoridad matapos maiulat na nawawala sa Malate, Maynila, habang naaresto ang lalaking hinihinalang tumangay sa kanya.
Ayon sa Manila Police District (MPD), huling nakita ang bata noong Hunyo 22, bandang alas-12:45 ng tanghali sa Adriatico Street, Barangay 701, matapos magpaalam sa kanyang magulang na pupunta sa bahay ng kanyang lola. Nang hindi na ito makauwi, agad humingi ng tulong ang pamilya sa barangay at pulisya.
Sa pagsusuri ng CCTV footage, nakita ang isang lalaki na kalauna’y nakilalang si Rodick Junnel Foster, 39, na lumapit sa bata at isinama ito palabas ng Malate patungong Taft Avenue.
Sa parehong araw, naaresto ang suspek matapos makilala ng mga residente ng Barangay 701 dahil sa kumalat na impormasyon tungkol sa nawawalang bata.
Narekober ang paslit sa Barangay Tambo, Parañaque City at ligtas na naibalik sa kanyang pamilya. Nahaharap naman ang suspek sa reklamong kidnapping na isasampa sa Manila City Prosecutor’s Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden