MANILA, Philippines – GAGAWING mala-“Manila Hotel” ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Jose P. Rizal Elementary School sa Tondo matapos aprubahan ang ₱3.307-bilyong proyekto para gawing moderno at bongga ang 109-anyos na paaralan.
Sa mismong campus, pinirmahan nina Domagoso at Education Secretary Sonny Angara nitong Nobyembre 23 ang kasunduan para sa malawakang pagpapatayo at rehabilitasyon ng paaralan na nagsisilbi sa 3,722 estudyante.
“Wala akong biro, para kayong Manila Hotel,” pagmamalaki ni Isko sa mga estudyante, guro at opisyal na dumalo sa seremonya.
Gagastusan ng Maynila ng ₱2.022 bilyon ang 10-palapag na school building, habang ₱1.222 bilyon naman ang ilalaan sa unang yugto ng anim na palapag na midrise building na pinagtulungang pondohan ng City Government at DepEd.
Sa midrise building, ₱660 milyon ang ambag ng DepEd at ₱562 milyon naman mula sa pamahalaang lungsod. Magkakaroon ito ng 83 classroom sa unang phase at target na umabot sa 160 silid-aralan kapag kumpleto na.
Hindi rin pababayaan ang makasaysayang Gabaldon building na 109 taon nang nakatayo sa campus. Maglalaan ang DepEd ng ₱63.2 milyon para sa rehabilitasyon nito matapos hilingin ni Angara na mapanatili ang lumang gusali.
Dalawang building sa paaralan ang dati nang kinondena dahil sa kondisyon nito, habang matagal ding problema ng mga estudyante ang double-shift classes dahil sa kakulangan ng silid-aralan.
Ayon kay Domagoso, mas magiging bongga pa ang bagong Jose P. Rizal Elementary School kumpara sa mga ipinagmamalaking paaralan ng Maynila gaya ng Dr. Alejandro Albert Elementary School, Manila Science High School at Almario Elementary School.
“Sa national government marami silang pera, kulang sila ng panahon. Sa Maynila, marami kaming pangarap, kulang kami sa pera,” banat ng alkalde.
Tiniyak naman ni Angara na susuportahan ng DepEd ang mga pangangailangan ng Maynila at ang mga programang pang-edukasyon ni Yorme Isko.
Kapag natapos ang proyekto, hindi na lamang basta lumang paaralan ang Jose P. Rizal Elementary School kundi magiging modernong school complex na may mas maayos, ligtas at maluwag na pasilidad para sa libu-libong batang Tondo. JAY Reyes