Home NATIONWIDE Home detention, ipinataw sa Pinay nurse sa $906-M healthcare fraud sa US

Home detention, ipinataw sa Pinay nurse sa $906-M healthcare fraud sa US

4
0

MANILA, Philippines – Isinailalim sa home detention ang isang Pinay nurse na inakusahan ng pamumuno sa $906 milyon na panloloko sa Medicare at TRICARE habang hinihintay ang paglilitis sa kaniyang kaso sa Amerika.

Naglabas ng warrant of arrest ang isang federal court sa Texas laban kay Marizel Yukee noong Hunyo 18 kaugnay ng iba’t ibang kasong may kinalaman sa panloloko. Inaresto siya sa Houston, Texas noong Hunyo 22 at iniharap kay US Magistrate Judge Yvonne Ho ng United States District Court, Southern District of Texas, Houston Division para sa unang pagdinig at arraignment.

Nagpasok si Yukee ng not guilty plea sa mga kasong conspiracy to commit wire fraud at healthcare fraud, healthcare fraud, money laundering, conspiracy to defraud the United States, at pagbibigay, pagbabayad, paghingi at pagtanggap ng ilegal na kickback sa healthcare system.

Pinayagan siyang pansamantalang makalaya matapos maglagak ng $600,000 secured bond at $400,000 unsecured bond, ngunit kailangang manatili sa ilalim ng home detention. Maaari lamang siyang lumabas para sa trabaho, paaralan, pagpapagamot, pakikipagpulong sa abogado, pagdalo sa korte, at iba pang aktibidad na inaprubahan ng hukuman.

Kabilang din sa mga kondisyon ang pagsusuko ng kaniyang pasaporte at pagsusuot ng GPS ankle monitor upang mamonitor ang kaniyang kinaroroonan.

Ayon sa prosekusyon, pinatakbo ng 49-anyos na nurse na nakabase sa Las Vegas ang apat na mobile wound care clinic sa apat na estado ng US na umano’y nagsagawa ng hindi kinakailangang amniotic wound allograft procedures para sa mga matatanda at hospice patients. Inakusahan din siyang nagpalsipika ng medical records at nagbayad ng ilegal na kickback kapalit ng mga referral ng pasyente.

Sinabi ng mga awtoridad na umabot sa tinatayang $297 milyon ang reimbursement mula sa Medicare at TRICARE, habang nakumpiska rin ang tinatayang $35.2 milyong halaga ng mga ari-arian kabilang ang cash, Ferrari 296 GTS at iba pang mamahaling sasakyan, at mamahaling alahas.

Lumabas din sa mga rekord ng korte na bahagi umano ng kinita sa operasyon ang ginamit sa pagpapatayo ng isang $4.6 milyong beach resort sa Santa Ana, Cagayan.

Humingi na ng pahayag ang GMA News Online kay Yukee ngunit wala pa itong tugon. Wala pa ring inilalabas na komento ang Philippine Nurses Association of America kaugnay ng kaso. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here