Home METRO Rescue vehicle na may kargang P800K ilegal yosi, nasabat sa Iligan

Rescue vehicle na may kargang P800K ilegal yosi, nasabat sa Iligan

1
0

ILIGAN CITY, Philippines – Nasabat ng mga pulis ang isang sasakyang umano’y ginagamit sa rescue operations ng barangay na may kargang hinihinalang ipinuslit na sigarilyong nagkakahalaga ng tinatayang ₱800,000 sa isang checkpoint sa Macapagal Highway, Barangay Suarez, nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 29.

Ayon sa pulisya, hinarang ng mga tauhan ng Iligan City Mobile Force Company (ICMFC), sa pangunguna ni Lt. Abdullah P. Sumayan, ang puting Hyundai H-100 dakong alas-4:55 ng hapon matapos mapansing wala itong plaka sa harapan.

Lalo silang naghinala nang mag-atubili ang mga sakay na sabihin kung ano ang laman ng sasakyan kaya sinuri nila ang likurang bahagi nito.

Nakita umano ng mga pulis sa bahagyang nakabukas na bintana ang ilang ream ng berdeng Cannon cigarettes.

Sa paunang imbestigasyon, binili umano ng mga sakay ang mga sigarilyo sa Marawi City at dadalhin sana ang mga ito sa Pala-o Market sa Iligan City para ihatid.

Nasamsam ng mga awtoridad ang 20 master case na naglalaman ng tinatayang 1,000 ream ng berdeng Cannon cigarettes, kasama ang sasakyang may plakang MQ835A.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Bureau of Customs (BOC), habang tumulong sa imbestigasyon ang mga tauhan ng Iligan City Police Station 2 at Regional Intelligence Division 10.

Dinala sa tanggapan ng ICMFC ang mga nakumpiskang sigarilyo at sasakyan habang hinihintay ang pormal na pagsasalin ng mga ito sa BOC para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here