MANILA, Philippines – IPAPATUPAD na ng Pamahalaang Lungsod Valenzuela ang one-ID policy na nagtatakda na sapat na ang isang valid government-issued ID sa mga transaksyong nangangailangan ng pagpapatunay ng pagkakakilanlan sa mga tanggapan ng City Government.
Sa ilalim ng executive order, tatanggapin ang isang ID na may litrato at lagda, sa mga in-person at oline transaksyon ng pamahalaang lungsod, bilang patunay ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal.
Kabilang sa mga tinatanggap na ID ang National ID, passport, driver’s license, PRC ID, NBI at police clearance, Postal ID, voter’s ID, GSIS at SSS cards, PhilHealth ID, senior citizen ID, at PWD ID.
Tinatanggap din ang UMID, Solo Parent ID, TIN ID, OFW at OWWA ID, seaman’s book, government employee ID, at iba pang pagkakakilanlan o sertipikasyong inilalabas ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, layon nito na hindi na mahihirapan ang mga residente ng lungsod sa paulit-ulit na paghingi ng iba’t ibang ID kung sapat naman ang isang valid ID para mapatunayan ang kanilang pagkakakilanlan. Rene Manahan