Home NATIONWIDE Personal na paggamit ng mga nasamsam na sasakyan, iimbestigahan ng PNP

Personal na paggamit ng mga nasamsam na sasakyan, iimbestigahan ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Iniutos ng Philippine National Police (PNP) ang kumpletong imbentaryo ng lahat ng nasamsam na sasakyang nasa kustodiya nito at imbestigasyon sa mga ulat na ginagamit umano ng ilang pulis ang mga nakuhang carnapped vehicle para sa personal na lakad.

Inatasan ni PNP chief Police Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang Highway Patrol Group (HPG) na alamin ang katayuan ng mga nakumpiskang sasakyan at imbestigahan ang anumang hindi awtorisadong paggamit sa mga ito.

Naglabas ng kautusan si Nartatez kasunod ng mga alegasyong ibinato ni Sen. Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services nitong Miyerkules, Oktubre 28.

Ayon kay Tulfo, may mga nakuhang carnapped vehicle na ilang linggo o buwan nang nakatengga sa PNP National Headquarters sa Camp Crame. Gayunman, iniulat umano na naipoproseso sa loob lamang ng isang araw ang mga dokumento para sa pagpapalabas ng mga ito matapos makatanggap ng reklamo ang kaniyang tanggapan.

Sinabi naman ni HPG Acting Director Police Brig. Gen. Joyce Patrick Sangalang na ipinagbabawal sa mga tauhan ang paggamit ng mga impounded vehicle nang walang pahintulot.

Iginiit ni Tulfo na may ilang pulis umanong gumagamit sa mga sasakyan nang hindi nalalaman ng kanilang mga nakatataas. Binigyan niya ang HPG ng isang linggo upang magsumite ng kumpletong talaan ng lahat ng nakuhang carnapped vehicle na nasa kustodiya nito.

“Recovered and impounded vehicles are not personal property of any police officer. They are under police custody for a specific legal purpose and must be handled with strict accountability,” pahayag ni Nartatez nitong Biyernes, Oktubre 30.

Iniutos ng PNP chief sa mga kinauukulang yunit na alamin ang katayuan ng mga sasakyan, siyasatin ang posibleng hindi awtorisadong paggamit sa mga ito, at papanagutin ang sinumang lalabag sa mga regulasyon ng pulisya.

“No one is above our policies, and no position or assignment gives any personnel the privilege to misuse property entrusted to the PNP. We must protect the integrity of evidence, uphold the law, and earn the public’s trust through discipline and transparency,” aniya.

Binigyang-babala rin ni Nartatez na mahaharap sa kasong administratibo at kriminal, kung nararapat, ang sinumang tauhang mapatunayang gumamit ng mga nasamsam na sasakyan nang walang pahintulot.

“We will account for every seized vehicle under our custody and ensure that each one is handled in accordance with the law. These vehicles must be safeguarded until they can be returned to their rightful owners or lawfully used as evidence,” dagdag niya.

“Any personnel found abusing their authority will be held accountable under the law. Public trust depends on our ability to enforce the rules fairly, including within our own ranks,” pagtatapos ng PNP chief. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here