Home METRO Ilegal na mineral ore, nasabat sa Zamboanga del Norte

Ilegal na mineral ore, nasabat sa Zamboanga del Norte

1
0

ZAMBOANGA DEL NORTE, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang isang wing van na may kargang 481 sako ng hinihinalang ilegal na nakuhang mineral ore sa isinagawang operasyon nitong Huwebes, Oktubre 29.

Pinagsanib-puwersa sa operasyon ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO)-Sindangan, Office of the Provincial Environment and Natural Resources Officer (OPENRO), at Sindangan Municipal Police Station.

Hinarang ang sasakyan dakong alas-10:45 ng umaga sa Barangay Ramon Magsaysay, Sindangan, kasunod ng impormasyong may nagkakargang mga sako ng mineral ore malapit sa Siayan welcome arc, sa hangganan ng mga bayan ng Siayan at Sindangan.

Ayon kay Martino Magallanes Jr., deputized personnel ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), kumilos siya matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang impormante na nakasaksi sa pagkakarga ng mga sako. Dahil dito, inabangan at hinarang ng mga awtoridad ang wing van nang dumating ito sa Barangay Ramon Magsaysay.

Una umanong sinabi ng driver na lupa ang laman ng sasakyan. Ngunit nang pumayag itong buksan ang hindi selyadong cargo bay, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga sako ng mineral ore.

Dahil walang maipakitang legal na dokumento para sa transportasyon ng kargamento, ineskortan ang wing van patungo sa Sindangan Police Station para sa masusing inspeksiyon at imbentaryo. Kalaunan, nakumpirmang ilegal ang pinagmulan ng mga mineral ore.

Batay sa seizure receipt, may kabuuang 481 sako ang nasamsam, na tumitimbang ng tinatayang 50 kilo bawat isa o kabuuang 24,050 kilo. Tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,202,500 ang mga nakumpiskang mineral ore.

Depensa naman ng driver, “backload” umano ang kargamento na inayos sa pamamagitan ng isang ahente matapos nilang tulungang ilipat ang mga mineral mula sa orihinal na sasakyang sinasabing nasiraan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here