SAN JUAN CITY, Philippines – Iniimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ang pagbagsak ng mga lights at audio trusses na ikinabit sa Filoil Centre nitong Biyernes, Oktubre 30, na ikinasugat ng apat na indibidwal.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, tatlo sa mga biktima ang nagtamo ng minor injuries at pinayagan nang makalabas ng ospital, habang nananatili namang nakaospital ang isa para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.
“We continue to closely monitor their condition,” ani Zamora, at sinabing prayoridad ng pamahalaang lungsod ang kalagayan at paggaling ng mga nasugatan.
Nangyari ang insidente habang isinasagawa ang ingress o paghahanda para sa isang event na inorganisa ng isang pribadong grupo na umupa sa Filoil Centre, na hiwalay na pinamamahalaan at pinatatakbo ng HOME, Inc.
“The collapse involved lights and audio trusses set up by the organizer’s own technical supplier for this particular event,” paliwanag ng alkalde.
Nilinaw din ni Zamora na nananatiling matibay at ligtas ang mismong estruktura ng Filoil Centre. Wala rin umanong kaugnayan o kontrata sa pamahalaang lungsod ang technical supplier dahil direktang kinuha ito ng pribadong organizer.
“We have formally reached out to the event organizer and are awaiting their full report,” dagdag niya.
“The City Government of San Juan firmly maintains that public safety is our highest priority and will never be compromised,” diin ng alkalde.
Kasabay ng San Juan City Police Station, nagsasagawa ang pamahalaang lungsod ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at matiyak na may mananagot. RNT/MDS