MANILA, Philippines – Patay ang isang 32-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. San Francisco, General Trias City, Cavite nitong hapon.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Jomarie,” residente ng Brgy. San Simon, Dasmariñas City. Ayon sa ulat, naglalakad ito sa Tropical Village bandang alas-3:55 ng hapon nang pagbabarilin ng mga suspek.
Ayon sa pulisya, isa sa mga anggulong sinisiyasat ay ang umano’y pagkakasangkot ng biktima sa ilegal na droga na posibleng naging motibo sa pagpatay.
Kasunod ng insidente, nagsagawa ng follow-up operation ang Dasmariñas City Police sa isang bahay sa Westwood Heights Subdivision, Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City bandang alas-9:45 ng gabi. Hindi na naabutan ang mga target na suspek, ngunit nakumpiska sa loob ng bahay ang 13 plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 50 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P340,000.
Nasamsam din ng mga awtoridad ang isang coin pouch, isang cal. .45 pistol na may serial number na 2245337, magazine at mga bala.
Sa imbestigasyon, lumitaw na halos dalawang buwan pa lamang umanong umuupa sa nasabing bahay ang apat na suspek. Batay naman sa CCTV footage, bandang alas-6:11 ng gabi nang umalis sa lugar ang limang suspek sakay ng silver na Toyota Innova.
Nakilala ang ilan sa mga suspek sa mga alyas na “Papang Alex,” 43; “Norsia,” 38; “Kano,” at dalawa pang hindi pa nakikilalang lalaki.
Pinangunahan ang operasyon ni Gen. Trias Police chief PCol. Bismark S. Mendoza kasama ang Intelligence Operatives at Drug Enforcement Unit ng General Trias at Dasmariñas City Police.
Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya laban sa mga tumakas na suspek. Margie Bautista