MANILA, Philippines – Mas mahigpit na patakaran laban sa mga estudyanteng sangkot sa karahasan ang isusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila matapos ipahayag ni Mayor Isko Moreno Domagoso na magpapasa siya ng ordinansa na magpapatalsik sa mga mag-aaral na mahuhuling nagdadala ng nakamamatay na armas, nasasangkot sa riot, o mapapatunayang nambu-bully.
Sa Kapihan ng Samahang Plaridel na ginanap sa Rizal Park Hotel, sinabi ni Domagoso na layunin ng panukalang ordinansa na gawing mas ligtas ang mga pampublikong paaralan sa lungsod at tiyaking protektado ang mga estudyante at guro laban sa karahasan.
Sa ilalim ng ordinansa, tuluyang tatanggalin sa kanilang pinapasukang pampublikong paaralan ang sinumang estudyanteng mahuhuling may dalang anumang uri ng nakamamatay na armas.
Saklaw din ng panukala ang mga estudyanteng masasangkot sa riot o rumble kahit sa labas ng paaralan at labas ng oras ng klase, basta’t may opisyal na blotter mula sa pulisya o barangay. Gayundin, papatawan ng kaparehong parusa ang mga mapapatunayang nambu-bully sa kanilang mga kamag-aral.
Ayon sa alkalde, hindi na rin papayagang makapag-enroll ang mga mapapatalsik na estudyante sa alinman sa 105 pampublikong paaralan ng Maynila, gayundin sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM).
Nilinaw naman ni Domagoso na hindi ipinagkakait sa kanila ang karapatang makapag-aral dahil maaari pa rin silang mag-enroll sa mga paaralan sa labas ng Maynila o sa mga pribadong institusyon.
“Naniniwala ako na karapatan ng bawat mamamayan ang makapag-aral, ngunit ang karapatang iyon ay may kaakibat ding responsibilidad. Kailangan nating maging responsable sa ating sarili, sa pamayanan, at sa komunidad na ating kinabibilangan,” ani Domagoso.
Dagdag ng alkalde, bahagi ang panukalang ordinansa ng mas pinaigting na kampanya ng lungsod upang mapanatili ang kaayusan, disiplina, at kaligtasan sa mga paaralan sa Maynila. JAY Reyes