MANILA, Philippines – Tatanggap ng pallium mula kay Pope Leo XIV sa Rome sa June 29, sa kapistahan ng Solemnity of Saints Peter and Paul, ang mga Filipino Archbishop na sina Alberto Uy ng Cebu, Charlie Inzon ng Cotabato, at David William Antonio ng Nueva Segovia.
Ayon sa CBCP nitong Biyernes, isusuot ang pallium sa mga bagong talagang metropolitan archbishop sa buong mundo sa isang Misa sa St. Peter’s Basilica na pamumunuan ni Pope Leo.
Taun-taon, bumabyahe sa Vatican ang mga bagong talagang metropolitan archbishop para tanggapin ang pallium, na itinuturing na isa sa pinakamahalagang simbolo ng kanilang tungkulin.
Noong 2025, itinalaga bilang arsobispo si Uy noong July 16, si Inzon noong September 8, at si Antonio noong November 4. Sa parehong taon, na-install sina Uy at Inzon noong September 30 at December 8. Samantala, na-install si Antonio noong January 14, 2026.
Noong Miyerkules, umalis na papuntang Rome si Archbishop Uy para tanggapin ang kanyang pallium at “magnilay sa ilang banal na lugar sa Europe.”
Gawa sa puting lana ang pallium at isinusuot ito sa balikat ng mga arsobispo tuwing liturgical celebration sa loob ng kanilang ecclesiastical provinces.
Ang lana na ginagamit sa paggawa ng mga pallia ay galing sa mga kordero na tradisyunal na binabasbasan tuwing kapistahan ni St. Agnes, at iniingatan magdamag malapit sa puntod ni St. Peter bago basbasan ng Papa sa June 29. Jocelyn Tabangcura-Domenden